Isinumite na ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa Department of Justice (DOJ) ang mga dokumento at rekord kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y anomalya sa flood control projects.
Ayon kay DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez, pag-aaralan ang mga ito para makita kung may sapat na basehan sa pagsasampa ng kaso.
Ipinaliwanag niya na hindi direktang makakapagsampa ng reklamo ang DOJ, kaya kapag may sapat na ebidensiya, ire-refer ito sa law enforcement agencies para sa imbestigasyon, o kaya’y direktang isumite sa Office of the Ombudsman kasama ang rekomendasyon.
Noong Marso 13, isinumite na ng ICI sa Ombudsman ang final report at ebidensiya, na nagrerekomenda ng pagsasampa ng kasong kriminal laban sa ilang opisyal dahil sa umano’y anomalya sa flood control projects sa nakalipas na dekada.
Tatagal na lamang hanggang Marso 31 ang operasyon ng ICI.
---
Pinawalang-bisa ng Court of Tax Appeals (CTA) ang P849.14 milyon na hinihinging buwis ng Bureau of Internal Revenue (BIR) mula sa Eastern Petroleum Corporation, dahil itinuturing ng korte na “invalid” at lumalabag sa karapatan ng kompanya sa due process.
Ayon sa 16-pahinang desisyon ng Special Second Division ng CTA, null at void ang tax assessments para sa 2014 matapos matuklasan na hindi nagbigay ang BIR ng tama at valid na deadline para bayaran ang sinasabing utang.
Ang Formal Letter of Demand at Final Assessment Notice na natanggap ng kompanya noong Oktubre 24, 2019, ay may nakasaad na due date na Setyembre 30, 2019, halos isang buwan bago pa man naipadala ang dokumento.
Dahil dito, nawalan ang Eastern Petroleum ng totoong pagkakataong makapagbayad o makipag¬talo sa demand ng BIR. Binigyang-diin ng CTA na ang due date ay dapat tumukoy sa hinaharap upang maging legal na maipatupad.
Kasunod nito, kinansela ng korte ang lahat ng assessments sa deficiency income tax, VAT, expanded withholding tax, at iba pang fees, at pinagbawalan ang BIR na magsagawa ng karagdagang koleksiyon laban sa kompanya para sa kasong ito.
---
Nasa Kongreso ang bola para aksiyunan ang P200 legislated wage hike para sa mga arawang manggagawa.
Ito ang tugon ng Malacañang sa dumaraming pa¬nawagan sa gobyerno na dagdagan ang sahod ng mga manggagawa dahil hindi na sapat ang kanilang kinikita bunsod ng epekto ng mataas na presyo ng langis.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, nakasalya sa Kongreso ang panukalang batas para sa wage hike pero hindi pa ito naisasabatas.
“Patungkol sa pagtaas ng suweldo na P200, tingin ko po ito ay nasa kamay ng Kongreso,” ani Castro.
Binigyang-diin ni Castro na laging inuutusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Labor and Employment (DOLE) at Regional Tripartite Wages and Productivity Board na pag-aralan at kung maaaring dagdagan ang suweldo ng mga manggagawa.
Sinabi ni Castro na halos taon-taon ay nagtataas ng suweldo batay na rin sa mga ginawang pag-aaral ng mga wage board.