Skip to content

March 23 - 6 am NEWS

March 23 - 6 am NEWS
DONNA NATIVIDAD-ARENAS
Mar 23, 2026 | 8:41 AM

Naglunsad ng lightning rally ang mga miyembro ng labor group na Kilusang Mayo Uno (KMU) ngaayong Lunes, Marso 23 sa Embahada ng Amerika sa Maynila para i-protesta at kondenahin ang anila’y imperyalismong giyera ng Estados Unidos at Israel laban sa Iran, na nagdulot ng krisis sa langis at nagpasidhi pa ng kahirapan sa bansa.

Sa isang statement, inihayag ng grupo ang kanilang pagtutol sa patuloy na digmaan, na naglalagay sa panganib sa buhay ng mga migranteng manggagawa at nagpapalala sa krisis sa ekonomiya sa buong mundo kabilang ang pagtaas ng presyo ng langis at pagkasira ng kabuhayan.

Nagbabala rin ang grupo na nanganganib na madamay ang Pilipinas sa lumalalang tensiyong military lalo na at patuloy na pinapayagan ng pamahalaan sa ilalim ng Marcos administration ang presensiya ng base militar ng US, pwersang militar at iba pang pasilidad sa bansa na maaaring gawing target.

Nagpahayag din ng pagtutol ang grupo sa pinaplanong pagtatayo ng ammunition factory sa bansa.

Kaugnay nito, nanawagan ang grupo sa mga Pilipino na tutulan ang lumalakas na presensiyang militar ng US sa bansa at kumilos laban sa digmaan nito sa Iran at iba pang bansa.

Hinimok din ng grupo ang publiko na makiisa sa malawakang pagkilos sa lansangan bilang bahagi ng kampaniya patungo sa Mayo 1, ang Araw ng Paggawa.

---
Tinututukan ng gobyerno ng Pilipinas na mapigilan ang posibleng pagkaubos ng suplay ng langis sa bansa, ayon kay Energy Secretary Sharon Garin.

Bagamat sapat pa ang suplay para sa Abril, pinipigilan ng pamahalaan ang worst-case scenario na pagkaubos ng suplay.

Ibinabala ng kalihim na magdudulot ng malaking panganib ang kakulangan ng suplay ng langis kesa sa pagsipa ng presyo nito sa gitna ng patuloy na kaguluhan sa Gitnang Silangan, na nakakaapekto sa pandaigdigang merkado.

Kaugnay nito, inihayag ni Sec. Garin na humahanap na ang pamahalaan ng alternatibong mapagkukunan para mapunan ang inaangkat na langis sa gitna ng walang katiyakan sa pandaigdigang suplay.

Aniya, sakaling magtagal ang kaguluhan sa rehiyon, mas maraming bansa ang magsasara at ititigil ang pagluluwas ng langis.

Kayat mas kritikal ngayon na matiyak na mayroong suplay ng langis kesa mapangasiwaan ang pagtaas ng presyo nito.

Babala ng kalihim na maaaring magdulot ng pagkaantala sa transportasyon at maapektuhan ang air at sea travel gayundin ang delivery ng mga produkto kung magkaroon ng pagkagambala sa suplay.

Inamin naman ni Sec. Garin na maraming nag-aalok sa bansa subalit ibinibenta sa mas mataas na presyo. Gayunman, nakahanda aniya ang pamahalaan na magbayad ng premium para matiyak na mayroong suplay ng langis ang bansa.

---

Tiniyak ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na magpapatuloy ang pagbibigay ng serbisyo sa publiko tuwing Biyernes habang nakikiisa sa malawakang hakbang ng pamahalaan upang makatipid sa enerhiya.

Mananatiling anilang bukas ang onsite cash operations sa BSP Head Office sa Maynila, sa Security Plant Complex sa Quezon City, at sa mga regional offices at branches sa buong bansa mula 9:00 a.m. hanggang 2:00 p.m., Lunes hanggang Biyernes.

Patuloy ding tatanggap ng mga transaksyon kaugnay ng BSP-acquired real properties at mga pisikal na dokumento ang BSP Hub sa Maynila tuwing Biyernes.

Bukod dito, magpapatuloy ang serbisyo ng BSP Online Buddy (BOB) chatbot na maaaring ma-access sa BSP website, Facebook Messenger, at mobile app, 24/7.

Sa pamamagitan nito, maaaring magsumite ng reklamo ang mga financial consumers hinggil sa mga produkto at serbisyong pinangangasiwaan ng BSP-supervised institutions.

Maaari ring magpadala ng reklamo sa consumer affairs office ng kanilang tanggapan.

Samantala, ang BSP Store ay magpapatuloy naman sa pagbebenta ng commemorative coins at iba pang merchandise ng central bank sa pamamagitan ng online facility.

Sa kabila ng energy conservation measures, tiniyak ng BSP na hindi maaapektuhan ang serbisyo para sa publiko at mananatiling tuloy-tuloy ang operasyon ng bangko sa mga itinakdang araw.

---

Inihayag ni National Bureau of Investigation Dir. Atty. Melvin Matibag na kanilang patuloy na bineberipika ang impormasyon natatanggap ukol sa lokasyon ng puganteng si Charlie ‘Atong’ Ang.
Ayon sa naturang direktor, sinusuri pa ng kawanihan ang mga ito lalo pa’t mayroon nagsasabing nasa loob pa ng bansa si Ang habang ang iba’y nakalabas na ng Pilipinas.
Kung kaya’t ibinahagi ng opisyal na siya’y nagtalaga na ng partikular na grupo tututok sa paghahanap sa negosyanteng si Atong Ang.
Sa kasalukuyan ay hindi pa rin nahahanap ang akusado sa kabila ng mga kasong kinakaharap nito may kaugnayan sa pagkawala ng mga sabungero.