Skip to content

March 20 - 6 am NEWS

March 20 - 6 am NEWS
DONNA NATIVIDAD-ARENAS
Mar 20, 2026 | 7:49 AM

Isinailalim na sa heightened alert ang buong pwersa ng Philippine Coast Guard at nakatakdang mag-deploy ng nasa 17,000 tauhan upang tiyakin ang seguridad sa mga pantalan at karagatan ngayong paparating na Holy Week.
Ayon sa pahayag ng PCG, isasagawa ang malawakang deployment mula Marso 28 hanggang Abril 5, 2026, kung saan inaasahan ang pagdagsa ng milyun-milyong Pilipinong bibiyahe sa pamamagitan ng dagat.
Ang hakbang ay direktang ipinag-utos ni PCG commandant Admiral Ronnie Gil Gavan, alinsunod sa direktiba ni Department of Transportation Acting Secretary Giovanni Lopez na paigtingin ang maritime operations sa paggunita ng Kuwaresma.
Kasunod nito, inatasan ni Gavan ang lahat ng districts, stations, at substations ng Coast Guard na palakasin ang pagbabantay sa mga passenger vessels, pantalan, at nautical highways.
***
Nanawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa mga dioceses sa buong bansa na palakasin ang suporta para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na naapektuhan ng patuloy na labanan sa Middle East.
Ayon kay Bishop Socrates Mesiona, chairman ng CBCP Episcopal Commission on Migrants and Itinerant Peoples, mahalagang mabantayan ng mga dioceses ang kalagayan ng mga pamilya ng OFWs at matiyak na sila ay nabibigyan ng pastoral care at praktikal na tulong.
Kabilang sa mga maaaring ibigay na suporta ang spiritual accompaniment, access sa mga sakramento, counseling, at pakikipag-ugnayan sa mga charity ng simbahan at lokal na pamahalaan.
****
Tumaas ang bilang ng mga bumibili ng mga sasakyang de kuryente o mga electric vehicles.
Ayon sa Chamber of Automotive Manufacturers of the Philippines Inc. (CAMPI) at Truck Manufacturers Association (TMA) na mayroong pagtaas ng 67 percent ang bilang ng mga nakabili ng electrified vehicle sales.
Mula sa dating 3,416 units noong nakaraang taon ay mayroong 5,701 sa unang dalawang buwan ng taon.
Ang Battery electric vehicles (BEV) ay may pagtaas ng 77 percent habang ang Plug-in hybrid electric vehicles (PHEV) ay tumaas ng 1,083 percent.
Tumaas din ang bilang ng mga bumili ng hybrid electric vehicle (HEV) sa 50 percent.
Naniniwala ang grupo na sa naging sigalot sa Gitnang Silangan ay asahan ang pagtaas ng bilang ng mga bibili ng electric vehicles.