Skip to content

March 2 - 8 am NEWS

March 2 - 8 am NEWS
CHESTER PANGAN
Mar 02, 2026 | 10:04 AM

Itinaas ang red “flag of revenge” sa ibabaw ng dome ng Jamkaran Mosque sa Qom, Iran, bilang simbolo ng galit at paghahangad ng katarungan ng bansa matapos ang pagkamatay ng Supreme Leader na si Ayatollah Ali Khamenei.

Magugunitang napaslang si Khamenei noong Sabado sa isang joint airstrike operations ng Israel at Estados Unidos sa Tehran.

Kinumpirma ng Iranian state media ang kanyang pagkamatay nitong Linggo, na nagdulot ng protesta at pagdadalamhati sa Iran at sa ibang bansa.

Magkaiba naman ang reaksyon ng ilang lider sa west kung saan tinawag ni U.S. President Donald Trump si Khamenei na isa sa pinaka-evil na tao sa kasaysayan at tinukoy ang kanyang pagkamatay bilang pagkakataon para sa mga Iranian na mabawi ang kanilang bansa.

Samantala, hinikayat ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu ang mga Iranian na magkaisa laban sa rehimen.

Sa kabilang dako sa Tehran, umugong ang palakpakan at sigawan sa mga lansangan nang lumabas ang ulat tungkol sa pagkamatay ni Khamenei, habang may makikitang itim na usok sa lugar kung saan siya nakatira.

Ayon sa Israeli Defense Forces (IDF), si Khamenei ang utak sa mga operasyon laban sa Israel at tinawag siyang ”head of the Iranian octopus,” na may malaking impluwensya umano sa Middle East.

----

Ipinagtanggol ng Estados Unidos at Israel ang kanilang ginawang joint military operations laban sa Iran sa emergency meeting ng United Nations Security Council noong Sabado (Linggo sa Pilipinas), habang tinawag naman ng Iran na isang “war crime” ang pagkamatay ng mga sibilyan dulot ng mga airstrike.

Iginiit ni U.S. Ambassador to the United Nations Mike Waltz na matagal nang kinikilala ng international community ang prinsipyo na hindi dapat magkaroon ng nuclear weapon ang Iran.

“The international community has long affirmed a simple and necessary principle: Iran cannot have a nuclear weapon,” ani Waltz, na tinukoy ang mga nakaraang resolusyon ng U.N. na umano’y hindi sinunod ng Tehran.

“That principle is not a matter of politics, it’s a matter of global security, and to that end, the United States is taking lawful actions,” dagdag nito.

Binatikos din ni Waltz ang presensya ng Iran sa meeting, na aniya’y “makes a mockery of this body,” at iginiit na pananatilihin ng Amerika ang “moral clarity” kung saan aniya’y nagkukulang ang U.N.

Samantala, sinabi ni Israeli Ambassador to the U.N. Danny Danon na hindi padalos-dalos ang kanilang naging hakbang.

“We did not act out of impulse. We did not act out of aggression. We acted out of necessity,” ani Danon, at tinuligsa ang aniya’y “hypocrisy” ng ilang miyembro ng Security Council na kinondena ang pag-atake ng U.S. at Israel ngunit hindi ang ganting hakbang ng Iran.

Mariing kinondena naman ni Iranian Ambassador Amir Saeid Iravani ang pagkamatay ng mga sibilyan, kabilang ang mahigit 100 bata sa Minab School sa southern Iran, at tinawag itong isang “war crime.”

“It is regrettable that some members of this body, in a blatant double standard, disregard the flagrant act of aggression committed by the US and Israel on Iran,” ani Iravani.

Hindi nagkomento si Iravani tungkol sa pahayag ni U.S. President Donald Trump hinggil sa umano’y pagkamatay ni Supreme Leader Ayatollah Ali Khamenei, na inanunsyo bago magsimula ang meeting.

Sa isang joint statement na binasa ng ambassador ng Bahrain, kinondena ng Gulf states ang mga pag-atake ng Iran laban sa kanila at tinawag itong “cowardly.” Kabilang sa mga lumagda ang Saudi Arabia, United Arab Emirates, Kuwait, Oman, Qatar, Bahrain, Syria, at Jordan.

Samantala, nagbabala si U.N. Secretary-General Antonio Guterres na ang patuloy na military action sa Middle East ay maaaring magdulot ng malalang sakuna sa mga sibilyan.