Binawi ng Tindig Pilipinas ang ikalawang beripikadong impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte isang araw bago ang deliberasyon sa Kamara.
Sa pahayag ng grupo, sinabi nilang susuportahan na lamang nila ang ikatlong impeachment complaint na naglalaman ng kaparehong alegasyon upang mapabilis ang proseso at agad itong maipadala sa Senado.
Ang ikatlong reklamo ay inihain ng grupo ng mga pari, madre at abogado, at inendorso ni Mamamayang Liberal Partylist Rep. Leila de Lima. Ayon sa Tindig Pilipinas, mas makabubuting magkaisa sa iisang reklamo upang maiwasan ang dobleng proseso at masigurong tuloy-tuloy ang impeachment proceedings.
**
Naipit sa sumiklab na giyera sa Middle East ang mga lokal na opisyal mula sa Bulacan na bumiyahe umano sa Dubai, United Arab Emirates.
Sa nakalap na impormasyon mula sa isang mapagkakatiwalaang source ng Abante Tonite, stranded umano ngayon ang mga vice mayor sa naturang lalawigan matapos maglakwatsa sa Dubai dahil sa mga airstrike ng Estados Unidos at Israel laban sa Iran.
Gumanti na rin ang Iran at pinangangambahang sumiklab ang kaguluhan sa rehiyon.
Ayon sa source, walang paalam sa tanggapan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla ang pagbiyahe ng mga vice mayor sa Dubai.
Kasama umano nila ang mga department head at isang mag-inang mayor at vice mayor sa isang bayan ng Bulacan.
Gayunpaman, hindi na binanggit ng source ang mga pangalan ng mga nabanggit na opisyal.
Wala pang impormasyon kung nalaman na ito ng tanggapan ni Remulla ngayong sumiklab ang giyera sa Middle East at natengga sa Dubai ang mga vice mayor kasama ang mga department heads sa kanilang mga bayan.