Skip to content

March 2 - 6 am NEWS

March 2 - 6 am NEWS
DONNA NATIVIDAD-ARENAS
Mar 02, 2026 | 6:30 AM

Nadagdagan pa ang bilang ng nakansela at na-divert na flights mula at patungo sa Pilipinas at Middle East dahil sa pwersahang pagsasara ng airspace ng karamihan ng mga bansa sa rehiyon bunsod ng nagpapatuloy na malawakang palitan ng mga pag-atake.

Ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines o CAAP, umakyat na sa 42 flights ang nakansela habang tatlong iba pang flights ang na-divert, base sa monitoring kaninang alas-9:00 ng umaga ngayong Lunes, Marso 2.

Ito ay halos doble sa 23 flights na naunang napaulat na naantala nitong kahapon, Linggo, Marso 1.

Ayon sa ahensiya, karamihan ng mga naantalang flights ay nangyari kahapon kung saan 30 ang nakansela.

Habang ang naka-schedule na limang flights ngayong Lunes ang nadagdag na nakansela. Bunsod nito, apektado ang mga flights patungong Doha, Dubai, Riyadh, Bahrain, Abu Dhabi, Hamad at Kuwait.

**

Umabot na sa 54 na Pilipino sa Israel ang humiling ng repatriation sa gitna ng nagpapatuloy na tumitinding bakbakan sa Middle East.

Ayon kay Philippine Ambassador to Israel Aileen Mendiola, mayroong 32 turista at 22 overseas Filipino workers  ang nagpahayag ng pagnanais na makauwi ng Pilipinas.

Nakikita namang hamon ngayon, ayon sa Ambassador, kung paano sila maililipat dahil walang flights palabas at papasok ng Israel gayundin sarado na ang ibang land crossing doon.

Subalit, plano aniyang unahin ang mga turista na stranded dahil wala silang bahay doon kaya nakikipag-uganayan na ang embahada sa Ministry of Tourism ng Israel para mailikas ang mga ito.

***

Sinimulan na ngayong araw ng House Committee on Justice sa pangunguna ninAtty. Gerville  Luistro ang pagdinig upang simulan ang pagsusuri sa apat na impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Luistro, obligasyon ng komite sa ilalim ng Konstitusyon na dinggin at pagbotohan ang mga reklamo at magsumite ng ulat sa Kamara. 

Nilinaw din niya na hindi pa tinatalakay ang merito o ebidensiya ng mga kaso, kundi ang “sufficiency in form” o kung sumusunod ang mga reklamo sa pormal na rekisito ng Konstitusyon at ng mga patakaran ng Kamara. Kabilang dito ang wastong beripikasyon at pag-endorso.

Itinanggi rin ni Luistro ang pahayag na napagpasyahan na ng Korte Suprema ang mga alegasyon.