Skip to content

March 19 - 8 am NEWS

March 19 -  8 am NEWS
CHESTER PANGAN
Mar 19, 2026 | 9:47 AM

Nagbanta si US President Donald Trump na malawakang pasasabugin ang South Pars gas field sa Iran kung aatakihin muli ng Iran ang energy facilities ng Qatar.

Ang South Pars/North Dome field ang itinuturing na pinakamalaking gas field sa mundo.

Sinabi ni Trump sa Truth Social na kung muling tatargetin ng Iran ang natural gas facilities ng Qatar, gaganti ang US sa pamamagitan ng pagdurog sa buong South Pars Gas Field.

Ginawa ng US President ang banta kasunod ng ulat na nagkaroon ng “significant damage” sa mga pasilidad ng Liquified Natural Gas (LNG) ng Qatar dahil sa mga atake ng Iran.

Tiniyak naman ni Trump na wala nang mga pag-atale mula sa Israel sa Iran, ngunit nagbabala na ang US ay gaganti kung sakaling atakihin muli ang Qatar.

--

Lumabas sa taunang intelligence report ng Amerika na hindi pinaplano sa ngayon ng China na lusubin ang Taiwan sa 2027.

Base sa Annual Threat Assessment report, wala ring fixed timeline para makamit ang unification o pag-iisa ng Taiwan at China.

Noon kasing nakalipas na taon, na-flag ng US Department of Defense officials na sa susunod na taon ang posibleng timeline para sa naturang pag-atake.

Subalit, base sa reports, batid ng Chinese officials na magiging mahirap at may mataas na tiyansang mabigo ang paglusob sa Taiwan sa pamamagitan ng dagat, lalo na kung makikialam ang Amerika.

Nakasaad din sa report na hayagang iginigiit ng China na ang unification sa Taiwan ay nangangailangan na makamit muna ang kanilang mithiin para sa national rejuvenation sa taong 2049, mas matagal na potensiyal na timeline para makamit ang kanilang layunin.

Kayat, ikokonsidera aniya ng China ang maraming factors sa desisyon nito para salakayin ang Taiwan kabilang ang kahandaan ng military, pulitika sa isla at kung makikialam ang Estados Unidos .