Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na sapat ang suplay ng agricultural products sa bansa sa sunod na 90 araw o hanggang sa buwan ng Hunyo ng kasalukuyang taon.
Ito ay sa kabila pa ng nagpapatuloy na tensiyon sa Middle East at pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Laurel Jr., kasalukuyang walang isyu na nakakaapekto sa mga pangunahing bilihin kabilang ang bigas.
Sinabi rin ng kalihim na inaasahang mananatiling matatag ang suplay maging hanggang sa buwan ng Hulyo.
Paliwanag ng DA chief na pangunahing dahilan ay maraming stocks ng bigas sa National Food Authority (NFA) na nasa halos kalahating tonelada ng bigas.
Gayundin, panahon ngayon ng peak harvest hanggang sa buwan ng Mayo.
Samantala, pagdating sa iba pang agricultural products, nananatiling matatag ang supply level kabilang na ang mais, asukal at sibuyas.
Ito ay dahil nagpapatuloy ang produksiyon ng gulay dahil sa kasalukuyang planting at harvesting season habang sa suplay naman ng karneng baboy, nananatiling sapat pareho sa lokal na produksiyon at imported stocks na nasa cold storage.
----
Iginiit ng National Maritime Council (NMC) nitong Huwebes, Marso 19, na ang 1990 Scarborough Shoal document na ginagamit ng China upang suportahan ang pag-angkin nito sa Bajo de Masinloc ay mula sa “doubtful source” at ginagamit umano upang iligaw ang publiko.
Ayon kay NMC Spokesperson Alexander Lopez, ang naturang dokumento ay inilalabas nang wala sa tamang konteksto upang palakasin ang naratibo ng Beijing sa pinagtatalunang karagatan.
Ipinaliwanag niya na ang liham ay isinulat ng isang dating ambassador ng Pilipinas sa Germany bilang tugon lamang sa tanong ng isang amateur radio group, at wala itong sapat na awtoridad upang magtakda ng territorial claims.
Dagdag pa ni Lopez, hindi malinaw ang pinagmulan ng dokumento at hindi ito maaaring gamitin upang bawasan o alisin ang soberanya ng Pilipinas sa Bajo de Masinloc.
Binanggit din niya na tanging ang pangulo ng Pilipinas ang may kapangyarihang magdeklara ng opisyal na posisyon hinggil sa usapin ng soberanya.
Nauna nang ginamit ng China ang ilang bahagi ng liham na nagsasabing ang Bajo de Masinloc ay ‘wala sa teritoryo ng Pilipinas kundi nasa loob lamang ng 200-nautical-mile exclusive economic zone (EEZ) ng bansa. Ngunit ayon sa NMC, ito ay piling interpretasyon lamang na pabor sa panig ng China.
Iginiit ng NMC na nananatiling “long-standing, consistent at indivisible” ang pag-angkin ng Pilipinas sa Bajo de Masinloc, na nakabatay sa international law kabilang ang United Nations Convention on the Law of the Sea at ang 2016 arbitral ruling na nagbasura sa malawakang claims ng China sa West Philippine Sea (WPS).
Dagdag pa ng konseho, patuloy na ipinapakita ng Pilipinas ang epektibong kontrol sa lugar sa pamamagitan ng law enforcement operations, marine scientific research, at military exercises.
Samantala, hinihintay pa ng NMC ang kumpletong report mula sa Philippine Coast Guard na magsisilbing batayan para sa posibleng paghahain ng diplomatic protest laban sa China kaugnay ng umano’y ilegal at mapang-abusong ginagawa nito sa WPS.