Skip to content

March 17 - 7 am NEWS

March 17 - 7 am NEWS
CHESTER PANGAN
Mar 17, 2026 | 8:50 AM

Naghain sina Father Joel Saballa at iba pang mga complainants sa ikatlong impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte ng manifestation of waiver sa House Committee on Justice, kung saan tumanggi silang magsumite ng karagdagang sagot sa depensa ng bise presidente na tinawag nilang “non-answer.”

Ayon sa mga complainant, bigong sagutin ng kampo ni Duterte ang mahahalagang alegasyon, kabilang ang umano’y hindi maipaliwanag na paggastos ng P125 milyon sa loob ng 11 araw at kabuuang P612.5 milyong pondo.

Samantala, hiniling naman ng kampo ni Duterte na ibasura ang mga reklamo, dahil umano sa kakulangan ng sapat na batayan at paglabag sa kanyang karapatan sa due process. 

Iginiit din nilang hindi pa tapos ang usapin sa confidential funds at walang patunay ng ilegal na yaman.

Ang mga reklamong impeachment ay may kinalaman sa umano’y paglabag sa Konstitusyon, katiwalian, at pagtataksil sa tiwala ng publiko.

Inihain nina Father Saballa ang manifestation of waiver sa pamamagitan ng electronic emaila kaninang alas-11:02 ng umaga.

----

Isinusulong ngayon ng National Food Authority (NFA) na mabigyan ito ng emergency powers o espesyal na kapangyarihan upang direktang makapagbenta ng mas murang bigas sa publiko sa gitna ng tumataas na presyo nito.

Nais ng NFA na maalis ang mga “middlemen” at direktang makapagbenta sa palengke upang mapababa ang presyo ng bigas.

Layunin din ng ahensiya na mapabilis ang pagbili ng palay mula sa mga lokal na magsasaka at mapabilis ang paggiling nito.

Ang plano ngayon ng NFA ay ibenta ang bigas sa presyong ?33 hanggang ?36 bawat kilo sa mga lokal na pamahalaan at Kadiwa stores, na maaaring ibenta sa publiko ng mas mababa kaysa sa commercial rice.

Sa ilalim kasi ng Rice Tariffication Law (RTL), limitado ang kapangyarihan ng NFA, kung saan sa kasalukuyan, ibinebenta muna ang NFA rice sa Food Terminal Inc. (FTI) o sa Local Government Units (LGUs) bago makarating sa Kadiwa centers.

Dahil sa puno na ang mga bodega ng NFA, kailangan nilang ilabas ang mga lumang buffer stock (aging rice) upang bigyang-daan ang mga bagong aning palay.

Ang mungkahi ay tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas, na pumapalo na sa ?52 hanggang sa mahigit ?58 bawat kilo sa ilang lugar, at bilang paghahanda sa epekto ng malakihang taas-presyo sa langis at transportasyon.

Ayon kay NFA Administrator Larry Lacson, kung maaprubahan ang emergency power, mas mabilis na makakapag-intervene ang ahensya sa merkado upang maibsan ang paghihirap ng mga mamimili.