Mar 16, 2026 | 7:30 AM
Nagbabala si Sen. Panfilo Lacson laban sa anumang tangkang pakikialam o pang-iimpluwensiya sa pamunuan at operasyon ng Anti-Money Laundering Council o ALMC sa pahayag na dapat na manatiling independent ang pangunahing financial intelligence body ng bansa.
Ayon kay Lacson, napakahalaga ng papel ng AMLC sa pagprotekta sa integridad ng financial system ng bansa kaya hindi ito dapat mapasailalim sa anumang pressure mula sa pulitika o pribadong interes. Binigyang-diin din niya na ang sinumang magtatangkang manipulahin o pakialaman ang konseho ay maaaring managot sa ilalim ng batas.
Aniya, ang anumang attempt na i-undermine o impluwensiyahan ang AMLC ay maaaring magresulta sa pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga responsable.
***
Inaasahang magkakaroon ng ginhawa sa presyo ng gasolina at diesel sa loob ng susunod na dalawang linggo dahil sa planong pagsuspinde ng excise tax sa produktong petrolyo.
Ayon kay House Committee on Public Accounts Chair Terry Ridon, halos tapos na sa Kamara ang panukalang batas na magbibigay kapangyarihan kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na pansamantalang bawasan o suspendihin ang excise tax sa langis, kaya umaasa ang mga mambabatas na maipapasa ito sa Senado sa susunod na linggo.
Sakaling maipatupad ang suspensyon, maaaring bumaba ang presyo ng gasolina at diesel ng humigit-kumulang P6 hanggang P10 kada litro, na malaking tulong sa mga motorista at sa buong ekonomiya.
*******
May 24 overseas Filipino Workers (OFWs) ang tinulungan ng Republic of Singapore Air Force na makauwi rito sa bansa mula sa Jeddah, Saudi Arabia.
Ito ay matapos silang maisama sa isang repatriation flight na inihanda para sa mga mamamayan ng Singapore na naapektuhan ng kanselasyon ng mga flight dulot ng tensyon sa Middle East.
Ayon kay Singapore Ambassador to the Philippines Constance See, nagpadala ang Singapore ng A330 Multi-Role Tanker Transport aircraft noong Marso 12 upang ligtas na maiuwi ang kanilang mga kababayan mula sa Jeddah.