Skip to content

March 13 - 8 am NEWS

March 13 - 8 am NEWS
CHESTER PANGAN
Mar 13, 2026 | 9:47 AM

Isang bagong partido na pinamumunuan ng rapper na si Rabi Lamichhane ang nakakuha ng malaking suporta sa halalan sa Nepal, na nagbigay ng bagong direksyon sa politika ng bansa.

Ang partido ay nakakuha ng malaking bilang ng boto mula sa mga kabataan na sawang-sawa na sa tradisyunal na pamumuno at naghahangad ng reporma.

Ayon sa ulat, ang tagumpay ng grupo ay nagdulot ng pagkabigla sa mga nakasanayang partido na matagal nang namamayani sa Nepalese politics.

Itinuturing itong makasaysayang hakbang dahil bihira ang mga bagong partido na makakuha ng ganitong kalaking mandato sa Nepal.

Gayunpaman, binigyang-diin ng mga eksperto na malaking hamon ang haharapin ng bagong pamunuan sa pagpapatupad ng kanilang mga pangako at sa pamamahala ng bansa.

Sa kabila nito, nananatiling mataas ang pag-asa ng publiko na ang bagong liderato ay magdadala ng mas inklusibong pamamahala at tunay na pagbabago sa Nepal.

----

Nirespondehan ng mga otoridad ang napaulat na pamamaril sa West Bloomfield Township, Michigan.

Nakatanggap ng tawag ang mga otoridad na mayroong active shooting sa Temple Israel, isang synagogue na naglalaman ng paaralan.

Wala namang naiulat na sugatan matapos na makipagpalitan ng putok ang mga security ng Temple Israel.

Napatay umano ng mga otoridad ang suspek sa pamamaril sa nasabing synagogue.

Pinadoble naman ni Michigan Governor Gretchen Whitmer ang paglalagay ng seguridad sa lugar.

Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga otoridad sa motibo ng pamamaril.

----

Naglabas ng kaniyang kauna-unahang mensahe si bagong Iranian Supreme Leader Ayatollah Mojtaba Khamenei.

Sa kaniyang audio message na inilabas ay nais nitong manatiling sarado ang Strait of Hormuz bilang bahagi ng kanilang pressure.

Hiniling din nito na dapat ay matanggal ang lahat ng mga military base ng US sa lahat ng mga bansa sa Gitnang Silangan.

Sakaling magmatigas at hindi tanggalin ang mga ito ay hindi sila titigil sa pag-atake.

Marapat din aniya na magbayad ng kumpensasyon mula sa kanilang mga kaaway at kung hindi nila ito gagawin ay tiyak na gigibain sila ng Iran.

Natitiyak din nito na kanilang gagantihan ang mga pumaslang sa kanilang mga mamamayan.

Magugunitang mula ng itinalaga ang bagong Supreme Leader ay hindi pa ito nagpapakita sa publiko.