Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kahandaan ng Pilipinas na makipagtulungan sa lahat ng bansa upang bigyang-kapangyarihan, pangalagaan, at isulong ang kapakanan ng kababaihan.
Sa kanyang talumpati sa ika-70 Sesyon ng Commission on the Status of Women sa Punong-tanggapan ng United Nations sa New York nitong Lunes (oras sa New York), binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang pakikilahok ng kababaihan sa paggawa ng mahahalagang desisyon sa pamahalaan, negosyo, agham, diplomasya, at sa pagtataguyod ng kapayapaan.
Binigyang diin naman ni Pangulong Marcos na dapat magsikap ang mga bansa na magbigay ng edukasyon at ekonomikong kapangyarihan sa kababaihan.
Idinagdag din niya na kasinghalaga ng edukasyon ang ekonomikong pagbibigay-kapangyarihan at dapat magkaroon ang kababaihan ng pantay na akses sa trabaho, pananalapi, pagnenegosyo, at pamumuno.
Tiniyak ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na hindi maaantala ang mga proyekto sa imprastraktura ng bansa sa kabila ng nakaambang pagtaas ng gastos bunsod ng patuloy na pagmahal ng langis sa pandaigdigang merkado.
Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, ang pagpalo ng presyo ng langis sa halos $120 per barels ay inaasahang magpapataas sa halaga ng mga materyales sa konstruksyon, maging sa gastos sa pagpapatakbo ng mga heavy equipment.
Upang maiwasan ang pagkaantala, sinabi ng kalihim na maaaring magpatupad ng mga variation orders o price escalation provisions sa mga kontrata upang i-adjust ang pondo, ngunit mahigpit niyang binalaan na hindi ito dapat abusuhin.
Ang tuloy-tuloy na konstruksyon ay alinsunod sa mandato ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
**
Nasa 119 na indibidwal ang inaresto kasunod ng pagkakasabat ng mahigit P383 milyong halaga ng ilegal na droga sa magkakasunod na operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa buong bansa.
Sa ulat ng PDEA ngayong Martes, umabot sa 85 high-impact operations ang inilunsad mula Pebrero 27 hanggang Marso 6.
Kabilang dito ang pagsira sa bilyun-bilyong pisong halaga ng plantasyon ng marijuana sa Benguet at ang pagkakasabat ng shipment ng shabu sa Ninoy Aquino International Airport.
Naitala naman ang pinakamalaking bulto ng droga sa Pampanga. Pinuri naman ni PDEA Director General Isagani Nerez ang tagumpay ng kampanya laban sa mga sindikato.