Nakipagpulong si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kay United Nations Secretary General António Guterres sa UN Headquarters sa New York City upang talakayin ang iba’t ibang isyu, kabilang ang kandidatura ng Pilipinas para sa isang non-permanent seat sa United Nations Security Council.
Ang bilateral na pulong nina Pangulong Marcos at Secretary-General Guterres ay muling nagpapatibay sa matagal nang ugnayan at pakikipagtulungan ng Pilipinas at ng pandaigdigang organisasyon.
Ang kandidatura ng Pilipinas para sa isang non-permanent seat sa UN Security Council, kung saan gaganapin ang halalan sa Hunyo 3, 2026, ay magsisilbing karagdagang pagpapatibay ng matibay na ugnayang ito.
Huling nagkita sina Pangulong Marcos at Secretary-General Guterres noong Oktubre 2025 sa sidelines ng Association of Southeast Asian Nations Summit at Related Summits na ginanap sa Kuala Lumpur, Malaysia.
***
Naglabas ng mahigpit na paalala ang Office of the Vice President upang mag-ingat ang publiko laban sa mga kumakalat na kahina-hinalang mensahe na nagpapanggap na mula sa kanilang tanggapan.
Nilinaw ng OVP na iisa lamang ang kanilang kinikilalang opisyal na email address upang maiwasan ang anumang uri ng panlilinlang o misimpormasyon.
Ayon sa ahensya, ang mga lehitimong mensahe ay magmumula lamang sa vp@ovp.gov.ph.
Upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan laban sa mga posibleng panloloko, binalaan ng ahensya ang publiko na huwag pansinin ang mga transaksyon mula sa ibang mga account.
Hinimok din ng tanggapan ang mga nakatanggap ng mga kahina-hinalang mensahe na agad itong ipagbigay-alam sa mga kinauukulan.