Nanindigan ang isang law practitioner na na¬ging bahagi ng defense team sa impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona na ang konsepto ng functional control ay puwede lamang sa executive branch ng gobyerno at hindi sa lehislatura.
Ginawa ni Atty. Jose “Judd” Roy III, dating law dean at acting president ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM), ang pahayag bilang reaksyon sa alegasyon ni Assistant Ombudsman Mico Clavano na si da¬ting Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ay may “functional control” umano sa national budget.
“Nagugulat ako sa teorya na ‘yang functional control. Hindi applicable sa legislature ‘yan, hindi ‘yan dapat ginagamit sa legislature,” diin ni Roy sa isang radio interview.
Ipinaliwanag pa nito na ang mga miyembro ng Kamara de Representantes ay inihalal ng kanilang constituents at ikinokonsidera na pantay-pantay at sinumang kongresista ay maaaring mahalal na Speaker o committee chairman.
“Pantay-pantay lang sila eh. Pareho-pareho silang halal, kanya-kanya silang distrito eh. Kahit sino sa kanila puwedeng maging Speaker, kahit sino sa kanila puwedeng maging chairman… lahat ng puwesto diyan sa Kamara by election ‘yan,” giit ni Roy.
Binanggit pa nito na kahit na ang mga sinasabing mas maimpluwensiya kaysa sa iba ay nabibilang sa mas malaking political group o kaya ay may malalim na pagkakaibigan sa mga kasamahan sa Kamara.
“Gayundin sa minorya, kahit na malaki yung grupo mo yung minorya bibigyan mo rin. Kaya ‘pag minority ka duon ka sa maliliit na grupo, aba eh magandang posisyon din ‘yun dahil sigurado lahat ng komite kasali ka,” saad ng beteranong abogado.
Ipinaliwanag pa ni Roy na ang functional control ay para sa executive branch lamang, na pinamumunuan ng Presidente at hinalal sa buong bansa. Gayunman, ang mga miyembro ng Gabinete at iba pang opisyal ay hindi halal kaya obligadong sumunod sa utos ng Pangulo.
---
Pinasaringan kahapon ni Senator Panfilo “Ping” Lacson si Sen. Alan Peter Cayetano na mag-Facebook Live na lamang ito kung wala sa panig niya ang batas at ang katotohanan.
Inihayag ito ni Lacson matapos mag-Facebook Live muli si Cayetano nitong Linggo, Hunyo 7.
“‘When you’re strong on the law, pound the law. When you’re strong on the facts, pound the facts. When you’re weak on both…’ — mag-Facebook live ka na lang,” sabi ni Lacson sa isang post sa X patungkol kay Cayetano.
Tinanong din ni Lacson kung ano ba si Cayetano kung hindi naman ito kinikilala ng mga institusyon bilang lider ng Senado.
“The Executive Department, House of Representatives, Integrated Bar of the Philippines, law deans, law professors, former Senate presidents, and many others do not recognize Senator Alan Cayetano as the President of the Senate. So, what is he?” ani Lacson sa X.
Puro Facebook Live lang aniya ang alam ni Cayetano – na nagpapakita na kahinaan nito sa batas at sa datos.
Binalewala rin ni Lacson ang pinakabagong alegasyon ni Cayetano na nakipagsabwatan umano siya sa Malacañang upang idiin ang ilang personalidad sa iskandalo sa flood control habang pinagtatakpan ang iba – at iginiit na pinagtibay ng Ombudsman at Sandiganbayan ang mga natuklasan ng Blue Ribbon Committee noong kanyang panunungkulan.
---
Binati ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga migranteng Pinoy at kanilang pamilya sa pagdiriwang ng Migrant Workers’ Day.
Sa kanyang mensahe, kinilala ng Pangulo ang sakripis¬yo ng mga Pinoy na nagtatrabaho sa ibang bansa kapalit ng pagkakalayo sa kanilang sariling pamilya.
Ayon sa pangulo sa kabila ng mga sakrispisyo at pagsubok ay patuloy aniya ang pagpapakita ng mga Pinoy ng kasipagan, malasakit at pagiging matatag.
Pangako ng Pangulo, patuloy na ipaglalaban ang karapatan at pangangalagaan ang kapakanan ng mga overseas Filipino worker (OFW). Siniguro rin ni Pangulong Marcos ang pagpapalawak pa ng suporta at mga programa para sa lahat ng OFW sa iba’t ibang panig ng mundo.
Ayon sa Pangulo, ang paggunita ng Migrant Workers¬’ Day ay magsilbi sanang paalala sa mamamayan na ang bawat kuwento ng mga OFW ay nagpapakita ng lakas ng loob, pag-asa at national building.