Skip to content

June 5 - 7sm NEWS

June 5 - 7sm NEWS
DONNA NATIVIDAD-ARENAS
Jun 05, 2026 | 7:30 AM

Nagsumite si Sen. Rodante Marcoleta ng kaniyang counter-affidavit sa Office of the Ombudsman upang sagutin ang mga akusasyon na nabigo umano siyang ideklara ang humigit-kumulang P75 milyong donasyon sa kampanya sa kaniyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).

Nauna naman nang iginiit ng kampo ni Marcoleta na itinuturing ang mga donasyon bilang pribadong regalo at hindi campaign contributions kayat hindi ito subject sa public disclosure.

Ayon sa senador, ang mga ito ay tinanggap nang may magandang layunin at ikinatuwiran na hiniling ng mga donor na manatiling confidential ang kanilang pagkakakilanlan at binayaran din nila ang kaukulang buwis.

Ang counter-affidavit ay tugon sa utos ng Ombudsman matapos irekomenda ng Field Investigation Bureau ang pagsasampa ng kasong plunder at indirect bribery laban kay Marcoleta, dating Quezon City Rep. Mike Defensor, at dalawang iba pa.

***

Nananatili ang lakas ng Tropical Depression “Ester” habang tinatahak ang Southern Taiwan, ayon sa state weather bureau.

Natukoy ang sentro ng bagyo sa layong 230 kilometro hilagang-kanluran ng Itbayat, Batanes.

Taglay nito ang pinakamalakas na hangin na umaabot sa 45 km/h malapit sa sentro at bugso ng hangin na hanggang 55 km/h, habang kumikilos ito pa-Northeast sa bilis na 15 km/h.

Nananatiling nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 1 sa Batanes.

Ayon sa state weather bureau, ang malalakas na hangin mula sa bagyo ay umaabot hanggang 280 kilometro mula sa sentro. Inaasahan ang minimal hanggang minor na epekto ng malakas na hangin sa mga lugar na nasa ilalim ng Signal No. 1.