Skip to content

June 4 - 8 am NEWS

June 4 - 8 am NEWS
CHESTER PANGAN
Jun 04, 2026 | 10:09 AM

Pumayag ang Israel at Hezbollah na muling buhayin ang ceasefire o tigil-putukan sa gitna ng mga paglabag sa naunang kasunduan.

Ang bagong kasunduang ay naisakatuparan sa pagpamagitan ng US at may mahigpit na mga kondisyon para sa magkabilang panig.

Ang mga pangunahing kondisyon ng kasunduan ay ang pag-atras ng Hezbollah sa hilaga ng Litani River, na humigit-kumulang 30 kilometro ang layo mula sa border ng Israel.

Kabilang din sa kondisyon ang unti-unting pag-atras ng mga tropa ng Israel mula sa southern Lebanon patungo sa parte ng kanilang border.

Tanging ang Lebanese Armed Forces at mga tropa ng United Nations peacekeeping lamang ang papayagang mag-istasyon sa “buffer zone” sa timog ng Litani River.

Nanindigan naman ang Israel sa karapatang kumilos o gumanti laban sa Hezbollah kung sakaling may mga nakaplanong pag-atake o paglabag sa tigil-putukan.

Dahil sa kasunduang ito, libu-libong lumikas na residente ang nakabalik na sa kani-kanilang tahanan sa southern Lebanon.

Gayunpaman, ang sitwasyon ay nananatiling fragile o marupok dahil nagkaroon pa rin ng mga ulat ng palitan ng putok at pag-atake ng drone sa pagitan ng dalawang kampo matapos ipatupad ang tigil-putukan.

---

Hindi bababa sa 21 katao, kabilang ang 12 dayuhan, ang nasawi matapos sumiklab ang sunog sa isang hotel sa Malviya Nagar, South Delhi, India noong Miyerkules.

Ayon sa mga awtoridad ito ang isa sa pinakamalalang insidente ng sunog sa kabisera ng India mula noong 2022.

Nabatid na nagsimula ang sunog bago mag alas-9:00 ng umaga sa apat na palapag na gusali. Hinala ng mga imbestigador na nagmula ang apoy sa isang restaurant na matatagpuan sa ground floor ng gusali.

Dahil sa mabilis na pagkalat ng apoy, ilang tao ang napilitang tumalon mula sa mga bintana ng gusali upang makaligtas.

Agad namang nagtulung-tulong ang mga residente sa lugar at naglatag ng mga kutson sa kalsada upang mabawasan ang pinsala sa mga tumatalon na biktima.

Ayon sa saksi isang batang kasama ang tumalon mula sa ikatlong palapag at ligtas namang nasalo ng mga inilatag na kutson.

Agad na rumesponde ang walong fire trucks upang apulahin ang sunog, na tuluyang nakontrol bandang tanghali.

Sinabi ng pulisya na umabot sa 49 katao ang isinugod sa iba’t ibang ospital para gamutin. Walo sa mga nasugatan ang agad ding nakalabas matapos mabigyan ng lunas.

Sa mga dinala sa ospital, dalawa ang nasa kritikal na kondisyon.

Samantala, patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga dayuhang nasawi. Nauna nang iniulat na kabilang umano sa mga biktima ay mula sa Bangladesh, Nigeria, Mozambique, at Liberia.

Nakadetine na rin ang may-ari ng gusali habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa sanhi ng sunog.