Kinontra ng Malacañang ang pahayag ni Vice President Sara Duterte na sinisikil ang demokrasya sa bansa lalo na sa oposisyon.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, sobra-sobra ang kalayaan sa bansa at nararamdaman ito ng mamamayan hindi katulad ng nakalipas na administrasyon.
Patunay aniya rito ang sobrang paninira ng mga kritiko kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Hindi aniya katulad ng nakalipas na administrasyon na gumagawa at nagtatanim ng mga ebidensiya, gumagawa ng intriga at nagpapakulong, na hindi ginagawa ni Pangulong Marcos Jr.
“Sobra-sobra nga ang kalayaan, ang taongbayan may demokrasya na nararamdaman hindi tulad ng nakaraang administrasyon,” ani Castro.
---
Nabigo ang Pilipinas na makakuha ng puwesto bilang non-permanent member ng United Nations (UN) Security Council matapos talunin ng Kyrgyzstan sa halalan para sa kinatawan ng Asia-Pacific Region.
Sa botohan ng UN General Assembly, nakakuha ang Kyrgyzstan ng 142 boto habang 49 boto naman ang nakuha ng Pilipinas matapos ang apat na round ng pagboto.
Kasunod ng resulta, binati ni Foreign Affairs Secretary Theresa Lazaro ang Kyrgyzstan at nagpasalamat sa mga bansang sumuporta sa kandidatura ng Pilipinas. Aniya, iginagalang ng bansa ang naging desisyon ng mga kasaping estado ng UN.
Binigyang-diin din ni Lazaro na patuloy na makikipagtulungan ang Pilipinas sa ibang bansa upang isulong ang kapayapaan, katatagan at napapanatiling kaunlaran. Apat na beses nang naging non-permanent member ng UN Security Council ang Pilipinas—noong 1957, 1963, 1980-1981 at 2004-2005. (Angelica Malillin)
---
Nakatakdang magpatupad ng malawakang crackdown sa mga undocumented Pinoy workers sa Mainland China, Hongkong at Macau ang Chinese government bilang umano’y resbak sa wala sa katuwiran na pag-aresto sa 69 na documented Chinese workers sa Philippine Sanjia-Steel Corporation sa Tagoloan, Misamis Oriental.
Ito ang kumpirmadong impormasyon na nakalap ng Abante buhat sa mapagkakatiwalaang source mula sa Chinese community na nagpahayag din ng alarma at pagkakabahala sa naturang hakbang ng Chinese government.
Ayon pa sa impormante, magiging manu-mano umano ang gagawing paghihigpit sa mga undocumented Pinoy workers sa mga nabanggit na lugar at ang lahat ng mga makikitang may problema sa papeles ay huhulihin at posibleng ikulong.
Bukod sa naturang hakbang, magpapatupad na rin umano ng paghihigpit sa pagluluwas papasok sa Pilipinas ang Chinese government ng mga produktong dati ay malaya nitong ini-export kagaya ng urea fertilizer na gamit sa palay at refined oil.
Ititigil din umano ng China ang exports nito sa mga produkto ng Pilipinas kagaya ng saging at iba pang kalakal na hinahango buhat sa Pilipinas.
Ayon pa sa impormante, na-offend umano ang Chinese government sa naging panghihimasok ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro sa operasyon ng pamahalaan sa naturang steel company kung saan ay ito pa ang nagsabing mga ilegal na nagtatrabaho doon ang mga Chinese nationals na naaresto.
Ayon naman sa Chinese Embassy sa bansa, nagsagawa sila ng sariling beripikasyon sa mga dokumento ng mga hinuli at wala silang nakitang problema sa mga working permits ng mga ito.
Ito rin umano ang dahilan ng pagban ng China kay Teodoro at sa pamilya nito na makatuntong sa China, kabilang na ang Hongkong at Macau pati na rin ang paghahanap sa ari-arian ng mga ito doon kung mayroon man.
Sinasabing ang mga hinuling Chinese nationals ay mahigit dalawang linggong ikinulong sa pasilidad ng National Bureau of Investigation (NBI) nang walang kaukulang kaso na isinampa at karamihan sa mga ito ay nitong mga nakaraang araw lamang pinalaya.
“It is the paramount concern and top priority of the Embassy to protect the safety and lawful rights and interests of Chinese nationals in the Philippines. The Embassy is deeply concerned about this latest development,” bahagi ng pahayag ng Chinese Embassy sa bansa bilang reaksiyon sa naturang pangyayari.
May mga impormasyong ding kumakalat na ang PHIVIDEC Industrial Estate na nasa ilalim ng pangangasiwa ng DND at kinatatauyan ng Sanjia-Steel Manufacturing ay pinag-iinteresan ng gobyernong America para pagtayuan ng panibagong base militar.