Jun 04, 2026 | 8:28 AM
Pinagtibay na sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill No. 8389 o Anti-Political Dynasty Bill sa sesyon ng Kamara de Representantes nitong Miyerkoles, Hunyo 3.
Sa botong 271 pabor, 16 tutol, at pitong abstention, inaprubahan ng Kamara ang panukala.
Ipinagbabawal ng panukala ang mag-asawa at mga kamag-anak hanggang second degree of consanguinity o affinity na sabay na humawak o tumakbo sa mga halal na posisyon sa loob ng parehong political jurisdiction.
Layunin ng HB 8389 na ipatupad ang Section 26, Article II ng 1987 Constitution, na nag-uutos sa Estado na tiyakin ang pantay na access sa mga oportunidad para sa serbisyo publiko at ipagbawal ang mga political dynasty na bibigyang kahulugan ng batas.
Saklaw ng pagbabawal ang national at local positions kabilang ang pagkapangulo, pangalawang pangulo, Senado, Kamara de Representantes, mga pamahalaang panlalawigan, lungsod, at munisipalidad.
**
Magpapakalat ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ng kabuuang 4,402 pulis sa nakatakdang pagbubukas ng School Year 2026-2027.
Ayon kay NCRPO Public Information Office (PIO) chief, Police Major Hazel Asilo, idedeploy ang mga ito sa iba’t-ibang mga paaralan sa buong capital region upang tumulong sa pagpapanatili ng kaaayusan at magbantay sa seguridad.
Karamihan sa kanila ay magbabantay sa labas ng mga paaralan habang ang iba ay magbabantay sa mga Police Assistance Desks at tutulong din sa daloy ng trapiko.
Batay sa record ng NCRPO, inaasahan muli ang pagdagsa ng mga magulang at mga estudyante sa ilang malalaking lugar na siyang pangunahing babantayan ng kapulisan.
**