Skip to content

June 30 - 6 am NEWS

June 30 - 6 am NEWS
DONNA NATIVIDAD-ARENAS
Jun 30, 2026 | 8:30 AM
Maglulunsad ang Senate Committee on Social Justice, Welfare, and Rural Development ng malalimang pag-aaral sa Juvenile and Welfare Act.
Ayon sa chairman ng komite na si Sen. Erwin Tulfo, kabilang sa mga pag-aaralan ang kakulangan ng Bahay Pag-asa facilities para sa Children in Conflict with the Law at kung dapat na panagutin ang mga magulang para sa mga paglabag ng kanilang mga anak.
Bukod dito, pag-aaralan din ng panel ang minimum age of criminal responsibility na kasalukuyang nasa 15 anyos, kung ito ba ay nananatiling realistic.
Ibinahagi rin ng senador na bago pa man siya naging isang public servant, nasaksihan niya ang malupit na katotohanan ng Juvenile law. Aniya sa loob ng maraming taon, may mga biktima ng krimen na kagagawan ng mga menor de edad ang walang magawa dahil sa pagpapatupad ng Juvenile Law.
**
Kinumpirma ng Iglesia ni Cristo (INC) spokesperson na si Bro. Edwil Zabala na ang isinagawang rally sa EDSA ngayong umaga ay bilang suporta kay Senator Rodante Marcoleta.
Naganap ito matapos ianunsyo ni Ombudsman Boying Remulla na kakasuhan si Marcoleta ng plunder, na isang non-bailable case
Ayon kay Zabala, hindi tutol ang INC sa pagpapatupad ng batas ngunit tutol sila sa pagbaluktot nito, lalo na kung layunin ay pagtakpan ang katiwalian.
Binigyang-diin niya na si Senador Marcoleta ang nanguna sa imbestigasyon sa isa sa pinakamalaking pandarambong sa kasaysayan ng bansa.
**
Naglabas ang Department of Energy (DOE) ng show cause orders laban sa 175 power generation companies sa buong bansa dahil sa hindi pagsusumite ng kinakailangang self-assessment forms.
Ayon kay DOE Secretary Sharon Garin, bahagi ito ng hakbang ng ahensya upang matugunan ang mga sapilitang shutdown o forced outages at matagal na pagbaba ng kapasidad ng mga planta na nakakaapekto sa suplay ng kuryente at sa mga konsyumer.
Sinabi ni kalihim na kabilang sa mga paglabag ang hindi pagsunod sa minimum fuel stock requirement na mahalaga upang matiyak ang tuloy-tuloy na serbisyo sa publiko.
Binigyang-diin naman ng DOE na hindi nangangahulugang nagkasala na ang mga kumpanya dahil bibigyan pa sila ng pagkakataong magpaliwanag.