Kinumpirma ng US military na naglunsad sila ng “self-defence strikes” sa Qeshm Island ng Iran habang tinarget naman ng Iranian missiles at drones ang installations ng Amerika sa Kuwait at Bahrain.
Ikinatuwiran ng panig ng Amerika na inilunsad nila ang self-defense attack bilang resulta ng aktibidad ng Iran sa rehiyon kabilang, hindi lamang ang pag-atake sa US Fifth Fleet sa Bahrain kundi maging sa Qeshm Island.
Sa isang statement, sinabi ng US Central Command (CENTCOM) na dalawang ballistic missiles na pinaputok ng Iran sa Kuwait, ang pumalpak at hindi natamaan ang target nito habang tatlong missiles na pinakawalan patungong Bahrain ang naharang ng US at Bahraini forces.
Samantala, kinumpirma rin ng US na na-intercept nila ang tatlong drones na pinakawalan ng Iran patungo sa civilian mariners sa rehiyon.
Nanindigan naman ang Estados Unidos na sa kabila ng labanan sa pagitan ng mga pwersa ng US at Iran, patuloy pa ring umiiral ang ceasefire sa pagitan ng dalawang bansa.
---
Nagpapatuloy ang labanan sa Southern Lebanon kahit tinanggap na ng Israel at Hezbollah ang planong tigil-putukan na inihain ng Estados Unidos.
Ayon kay US President Donald Trump, nagkasundo ang magkabilang panig na itigil ang putukan matapos niyang makausap ang kanilang mga kinatawan.
Tinanggap din umano ng Hezbollah ang kasunduan na ihinto ang pag-atake sa Israel kapalit ng hindi pag-atake ng Israel sa Beirut.
Kinumpirma ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu ang kasunduan ngunit nagbabala na magpapatuloy ang pag-atake kung hindi titigil ang Hezbollah sa pag-target sa mga lungsod at sibilyan ng Israel.
Sa kabila nito, sinabi ng Hezbollah na nagsagawa ito ng mga pag-atake gamit ang drone at artillery laban sa mga sundalo ng Israel, habang iniulat naman ng Israel na naharang nito ang dalawang projectile mula sa Lebanon.
May mga panibago ring airstrike ng Israel sa southern Lebanon.
Nagbabala rin ang Iran na ang anumang paglabag sa tigil-putukan sa Lebanon ay maituturing na paglabag sa umiiral na kasunduan sa pagitan ng Iran at Estados Unidos.
Samantala, iginiit ni Trump na nagpapatuloy ang diplomasya at nananatiling epektibo ang kasunduan sa tigil-putukan.