Nagsampa kahapon ng reklamo sa Office of the Ombudsman ang mga human rights advocates, religious leaders, academics, youth groups, labor organizers, at mga pamilya ng mga biktima ng drug war ng administrasyong Duterte laban kina Senate President Alan Peter Cayetano, Senator Robinhood Padilla, at Mao Aplasca dahil sa umano’y papel nila para makatakas si Senador Rosa dela sa pag-aresto sa Senado.
Ang reklamo ay inihain ng mga kinatawan ng Tindig Pilipinas, kabilang ang mga convenors na sina Francis Joseph Aquino Dee at Sylvia Estrada Claudio, kasama sina Cielo Magno, Fr. Flavie Villanueva, Randy delos Santos, tiyuhin ng pinaslang na binatilyo na si Kian delos Santos, Judy Ann Chan Miranda ng Partido Manggagawa, Susan Balindo ng Baigani Feminist Collective, Eugene Gonzalez at Yvonne Jereza ng Magdalo Party, Matthew Silverio ng Student Council Alliance of the Philippines, Venus Crisostomo ng Youth Resist, at Pinky.
Nakakabahala umano ang mga ginawa ng mga nasabing opisyal at security personnel para lamang makaiwas na maaresto si dela Rosa sa kabila ng standing warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC) kaugnay sa mga kasong crimes against humanity sa madugong kampanya laban sa droga ng dating administrasyong Duterte.
Sinabi ni Francis Joseph Aquino Dee, convenor ng Tindig Pilipinas, ang reklamo ay naglalayong pagtibayin ang isang pangunahing demokratikong prinsipyo, na walang sinuman ang higit sa batas.
“The rule of law requires accountability. Public office must never be used as a shield against justice. When officials use their positions to frustrate lawful processes and protect their allies from accountability, they betray the public trust and undermine our democratic institutions,” giit naman ni Aquino Dee.
Idiniin ng mga nagrereklamo na ang kaso ay hindi lamang tungkol sa isang indibidwal kundi tungkol sa pagtatanggol sa integridad ng mga pampublikong institusyon at pagtiyak na gumagana ang mga mekanismo ng pananagutan nang walang panghihimasok sa pulitika.
Sinabi pa ni Aquino Dee na ang reklamo ay bahagi ng mas malawak na pagsisikap na hamunin ang impunity at tumayo kasama ang mga biktima ng drug war at kanilang mga pamilya.
Nanawagan ang mga nagrereklamo sa tanggapan ng Ombudsman na magsagawa ng walang kinikilingan na imbestigasyon at tiyaking mananagot sa ilalim ng batas ang mga pampublikong opisyal na humahadlang sa hustisya. (Dolly Cabreza)
---
Binira ng ilang miyembro ng House prosecution panel ang naging sagot ng kampo ni Vice Pres. Sara Duterte sa Articles of Impeachment na malinaw anila na “pag-iwas sa trial.”
Ayon kay Bicol Saro Rep. Terry Ridon, lead prosecutor para sa Article 2 (betrayal of public trust at unexplained wealth), walang direktang tugon si Duterte sa mabibigat na paratang, lalo na sa Article 4 na tumutukoy sa grave threats.
“Hindi diretsong sinagot ng Vice President ang banta laban sa Pangulo — isang aktong ginawa sa kanyang termino at lantad sa publiko,” ani Ridon.
Samantala, tinawag ni ML Partylist Rep. Leila De Lima, second lead prosecutor para sa Article 4, ang sagot ni Duterte bilang “evasion of trial.”
“Pag-iwas pa rin sa trial ang buod ng answer ni VP Sara. Hindi sila nagpakita at nagpaliwanag sa Kamara, at ngayon naman ay pinadi-dismiss nila sa Senado ang kaso nang hindi pa napakikinggan ang mga testigo at ebidensya,” giit ni De Lima.
Dagdag pa niya, malinaw sa Konstitusyon na ang Senado lamang ang may kapangyarihang maglitis at magpasya sa impeachment.
Ganito rin ang punto ni Akbayan Rep. Chel Diokno, second lead prosecutor para sa Article 2.
“Kung walang itinatago, bakit ayaw ng trial? Sundin ang Konstitusyon, sundin ang due process. Walang special treatment sa mata ng batas.”
Ayon kay Atty. Michael Poa, lead counsel ng depensa, ang pagsusumite ng sagot ay patunay na hinaharap na ni Duterte ang mga paratang.
“The fact that we filed an answer now, hinaharap na ni VP itong mga paratang laban sa kanya,” sabi ni Poa.
Mariing sinabi ng House prosecutors na kanilang tututulan ang kahilingan ni Duterte na i-dismiss ang impeachment case.