Aarestuhin ng Philippine National Police (PNP) si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa kung magpapakita ito sa Senado para sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sinabi ni PNP public information chief P/Col. Allen Rae Co na may utos ang pulisya na ipatupad ang warrant laban kay Dela Rosa.
“Kung magpapakita siya roon, aarestuhin siya ng ating mga pulis,” ani Co sa isang press briefing sa Camp Crame.
Nauna nang inatasan ng Department of Justice ang PNP at National Bureau of Investigation na ipatupad ang warrant ng International Criminal Court (ICC) laban kay Dela Rosa kaugnay ng umano’y papel nito sa madugong war on drugs ng dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Samantala, sinabi rin ng PNP na magpapakalat ito ng sapat na bilang ng mga pulis upang matiyak ang mapayapang pagdaraos ng impeachment trial ni Vice President Duterte na nakatakdang magsimula sa Hulyo 6.
Ayon kay Co, nakikipag-ugnayan na ang PNP sa Senado at iba pang ahensiya upang matiyak na walang magiging aberya sa pagdinig.
Aniya, wala pa silang natatanggap na beripikadong banta laban sa impeachment proceedings.
---
Kinastigo ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr. ang Chinese Embassy sa Maynila dahil sa umano’y pagpapakita ng “insincerity” at “duplicity” sa pakikitungo sa Pilipinas.
Ayon kay Teodoro, minamaliit lamang ng Chinese Embassy ang panalo ng Pilipinas sa 2016 South China Sea arbitral ruling.
“The Chinese Embassy statement replying to our Department of Foreign Affairs [DFA] is a window into the true intentions of the Chinese Communist Party in dealing with our country. It clearly shows their insincerity and duplicity which are amply personified by their Embassy officials,” diin ni Teodoro sa isang statement.
“We condemn the arrogant display of deceitful indignation by them. Hindi kapanipaniwala ang mga sinasabi kaya idinidaan sa alburoto. Hindi tayo pasisiil,” pagtiyak ng kalihim.
Kamakailan lamang ay ibinasura ng Chinese Embassy ang statement ng DFA hinggil sa validity ng 2016 arbitral award. Ayon sa embassy, ang ruling ay “illegal, null and void.”
Ang 2016 arbitral award ay inilabas noong Hulyo 12, 2016 ng arbitral tribunal na nilikha sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) matapos magsampa ng kaso ang Pilipinas laban sa China noong 2013.