Skip to content

June 26 - 7 am NEWS

June 26 - 7 am NEWS
CHESTER PANGAN
Jun 26, 2026 | 9:38 AM

 Heartbroken si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng malaman nito ang nangyaring pamamaril ng dalawang kabataan sa San Jose National High School sa Tacloban City.

Sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro na ang mga insidente ng school violence, ang mga mararahas na nangyayari sa ating bansa ay hindi na katanggap-tanggap, mas lalo kung kabataan ang nasasangkot.

“Nung nabalitaan ng Pangulo ang nangyari sa Tacloban, heartbroken ang naramdaman ng ­Pangulo dahil kabataan ang lumalabas na gumawa ng krimen, at inosenteng kabataan ang nabibiktima,” saad pa ni Castro.

Muli namang iginiit ni Castro na aaralin ni ­Pangulong Marcos ang panukalang pagbaba sa age of criminal liability para malaman kung ano ang nararapat para sa taumbayan.

---

 Inirekomenda ng Philippine National Police ang pagsasampa ng reklamo sa ilalim ng Republic Act No. 11053 o Anti-Hazing Act laban kay dating Ateneo men's basketball head coach Tab Baldwin at 10 iba pang miyembro ng coaching staff kaugnay ng pagkamatay nina Rene Baterbonia at Divine Adili.

Ayon sa PNP, lumabas sa imbestigasyon na ang team-building activity sa Aurora ay umano'y nagdulot ng pisikal at sikolohikal na paghihirap sa mga kalahok, na maaaring saklaw ng Anti-Hazing Law.

Isasailalim pa sa pagsusuri ng Department of Justice ang rekomendadong reklamo.

---

Pormal nang sinam-pahan ni dating Sen. Antonio Trillanes IV ng reklamong cyberlibel sa Department of Justice (DOJ) sina Senators Alan Peter Cayetano at Rodante Marcoleta, gayundin ang 18 indibidwal na nagpapakilalang da­ting bodyguard umano ni dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co.

Ang pagsasampa ng kaso ay may kaugnayan sa Blue Ribbon Committee hearing na idinaos ng Cayetano bloc noong Hunyo 4, na tinawag ni Trillanes na ‘rogue hearing.’

Sa kanyang reklamo, sinabi ni Trillanes na malinaw na nagkaroon ng sabwatan sa pagitan ng mga natu­rang senador at 18 indibidwal upang isagawa ang ‘paninira’ laban sa kanya. Iginiit pa ni Trillanes na ang mga natu­rang senador ay walang parliamentary immunity o awtoridad na magdaos nang pagdinig.

Giit ni Trillanes, “The day before [the hearing], napalitan na si Cayetano. Napalitan na rin si Marcoleta bilang Blue Ribbon Committee hearing. And yet pinursue nila ‘yun.”

Samantala, sinabi rin ng dating senador na inulit ng naturang 18 indibidwal ang mga alegasyon laban sa kanya sa naturang pagdinig kaya’t wala rin aniyang parliamentary immunity ang mga ito.

Una nang sinampahan ni Trillanes ng mga kasong perjury at cyberlibel complaints ang naturang mga dating bodyguards noong Marso.

Tiniyak naman ni Trillanes na habang patuloy na nagpapagamit ang mga naturang dating bodyguards sa kanilang political backers ay patuloy silang magkakaroon ng mga konsekwensiya na haharapin.

Matatandaang sa naturang pagdinig, na pinamunuan nina Cayetano at Marcoleta, inakusahan ng mga dating bodyguards ang mas marami pang opisyal na tumanggap umano ng mga maleta na naglalaman ng umano’y kickback mula sa flood control projects.