Ipinawasak ng Department of Trade and Industry ang 12,500 metriko tonelada ng substandard Portland cement na nagkakahalaga ng halos P60 milyon dahil bagsak ito sa testing.
Ayon sa DTI, sa pamamagitan ng Bureau of Philippine Standards, winasak ang semento sa Ilocos Norte noong Abril 10 hanggang 11 upang hindi na ito mabenta pa at magamit.
Layunin ng hakbang na matiyak na ligtas at pasado sa national safety at quality standards ang mga materyales na ginagamit sa paggawa ng mga bahay, paaralan, tulay at iba pang imprastraktura.
Batay sa laboratory tests, hindi pumasa ang Portland Cement Type 1 shipment sa Philippine National Standard 07:2018, ang mandatory standard ng bansa para sa Portland cement.
Bumagsak ang semento sa mahahalagang quality tests, kabilang ang loss on ignition, insoluble residue at 28-day compressive strength. Dahil dito, nagkaroon ng pangamba sa tibay at kalidad nito kapag ginamit sa konstruksiyon.
Binubuo ang shipment ng 3,700 metriko tonelada na nakabalot sa 40-kilong bags at 8,800 metriko tonelada na nasa jumbo bags.
Galing Vietnam ang mga semento at itinago sa warehouse ng importer sa Ilocos Norte habang hinihintay ang inspection at testing para sa Statement of Confirmation.
Sa ilalim ng DTI Department Administrative Order 17-06, hindi maaaring ibenta o ipamahagi sa merkado ang Portland cement kung walang Statement of Confirmation. (Eileen Mencias)
---
Upang masigurong maayos na nagagamit ang pambansang budget, nagpatupad ng budget review ang Malacañang at inalam kung epektibong naihahatid ang serbisyo sa mamamayan.
Nagpatawag ng pulong sa Malacañang si Executive Secretary Ralph Recto at ni-review ang implementasyon ng budget ng mga ahensiya ngayong taon alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na regular na imonitor ang paggamit sa pambansang budget.
Ayon kay Recto, nais makasiguro ng Pangulo na malutas ang mga sagabal sa implementasyon ng mga proyekto at serbisyo, at masigurong epektibong nagagamit ang pondo upang maihatid ang pinakamainam na benepisyo sa mamamayan.
“We need to closely track the execution of the 2026 budget and finalize na 2027 national budget. Let us get our act together and ensure that our programs and projects are delivered faster in the second half of the year,” ani Recto.
Ni-review ni Recto ang progreso ng implementasyon ng UPLIFT program at binigyang-diin ang pangangailangan na gawing prayoridad ang mga programa na nagbibigay ng agarang pag-alalay sa mga mahihinang sektor.
Isinabay na rin sa pulong ang pagsasapinal sa mga dapat iprayoridad na programa sa 2027 habang binibilisan ang paghahatid ng mga pangunahing serbisyo. (Aileen Taliping)
---
Tiniyak ng National Bureau of Investigation (NBI) na mayroon silang malakas na ebidensiya para kasuhan ng qualified human trafficking si dating Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor.
“Let me say this: Si Mike Defensor at ang kanyang pamilya hanggang ngayon they are innocent until proven otherwise. ‘Yun nga lamang, malakas ang ebidensiya,” diin ni NBI chief Melvin Matibag sa press conference nitong Huwebes.
Aniya, hindi nila isasampa ang kaso kung hindi ito tumutugon sa Memorandum Circular No. 28 ng Department of Justice (DOJ) na dapat ay may “reasonable certainty of conviction” ang mga isinasampang kaso.
Nauna nang sinabi ni Matibag na isasampa ng NBI ang qualified human trafficking laban kay Defensor, asawang si Julie, anak na si Michaela, at iba pa sa Pasig City Prosecutor’s Office ngayong Biyernes.
Kaugnay ito ng koneksiyon ng pamilya sa Chicago KTV bar at Bleu Hotel, kung saan natuklasan ang umano’y human trafficking.