Nanawagan si Senator Panfilo ”Ping” Lacson na muling balikan ang pag-aaral sa Juvenile Justice Law ng bansa kasunod ng pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City noong Hunyo 22, kung saan dalawang menor de edad ang suspek.
Sa isang post sa social media, binigyang-diin ni Lacson na maaaring kailangan nang repasuhin ang umiiral na patakaran sa criminal liability ng mga bata, at binanggit ang ilang international case bilang halimbawa ng masusing pagtingin sa konsepto ng “discernment” sa krimen.
Ayon sa kanya, dapat patunayan ng prosecutors ang kakayahan ng isang menor de edad na umunawa sa kanilang ginawa upang matiyak ang hustisya.
Samantala, kinumpirma ng Palasyo na bukas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa posibilidad na pag-aralan ang pagbaba ng edad ng criminal responsibility, habang suportado rin ng Philippine National Police (PNP) ang pagsusuri sa umiiral na batas.
**
Inanunsiyo ni Bayombong Bishop Jose Elmer Mangalinao na ibinasura na ng lokal na korte ang kasong isinampa laban sa kanya kaugnay ng kanyang pagtutol sa exploration activities ng North Luzon Minerals Resources Corporation sa bayan ng Kasibu.
Sa inilabas na pahayag, nagpasalamat ang obispo sa Diyos at sa mga kapwa niya tagapagtanggol ng watershed.
Aniya, hindi lamang ito tagumpay sa usaping legal kundi panalo rin para sa katotohanan, katarungan, at sa mga komunidad na nagsusulong ng pangangalaga sa kalikasan at likas-yaman.
Matatandaang inakusahan si Bishop Mangalinao at iba pang respondent ng pagpapanatili umano ng isang ilegal na barikada sa loob ng ancestral domain na sinasabing nakahahadlang sa mga operasyon ng kumpanya.
**
Pumasok na sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Tropical Storm Gardo ngayong hapon.
Batay sa pinakahuling datos, ang sentro ng bagyo ay matatagpuan sa layong 1,400 kilometro silangan ng Extreme Northern Luzon.
Taglay nito ang maximum sustained winds na 85 kilometro kada oras malapit sa sentro at pagbugso ng hangin na umaabot sa 105 kilometro kada oras.
Sa kasalukuyan, kumikilos ito sa direksyong hilagang-kanluran sa bilis na 45 kilometro kada oras.
June 25 - 6 am NEWS
Jun 25, 2026 | 8:21 AM