Skip to content

June 24- 7am NEWS

June 24- 7am NEWS
DONNA NATIVIDAD-ARENAS
Jun 24, 2026 | 7:30 AM

Pumasok na rin ang National Bureau of Investigation (NBI) sa imbestigasyon sa nangyaring pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City.

Bagaman hindi pa naglalabas ng karagdagang detalye ang naturang opisina, kinumpirma ni Dir. Melvin Matibag na nagsasagawa na ng imbestigasyon ang mga agent nito, sa pakikipagtulungan sa ibang law enforcement agencies.

Kasunod ng naganap na pamamaril, kumikilos na aniya ang NBI at sinisiyasat na ang pamamaril, lawak ng epekto nito, at ang kabuuang nagtulak o naging mitsa ng insidente.

Unang naganap ang naturang pamamaril noong June 22, 2026 kung saan dalawang estudyante na parehong menor de edad ang namaril sa loob ng silid aralan ng nabanggit na high school.

Nag-iwan ito ng tatlong estudyanteng nasawi habang 22 naman ang nasugatan.

Bago ang pagpasok ng NBI ay ipinag-utos na ng Philippine National Police ang malawakang imbestigasyon, lalo at isa sa mga narekober na baril ay pag-aari umano ng isang babaeng pulis na tiyahin ng isa sa mga suspek.

***

Humiling ang House prosecutors sa Senado bilang Impeachment Court ng apat na karagdagang pre-trial measures para sa maayos, malinaw at episyenteng pagdinig sa impeachment trial ni Bise Presidente Sara Duterte.

Sa isinampang manifestation ngayong araw ng Miyerkules, iminungkahi ng prosekusyon ang paggamit ng Filipino at Ingles sa mga pagdinig, maagang pagsisiwalat ng mga testigo, pagpapahintulot sa mga pampubliko at pribadong prosecutor na magsuri ng mga testigo, at pagbubukas ng nakasegelyong kahon ng mga rekord mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na nasa kustodiya ng korte.

Ayon sa prosekusyon, makatutulong ang mga hakbang upang mapadali ang paglilitis, maiwasan ang mga procedural dispute, at mapanatili ang pokus sa presentasyon ng ebidensiya at testimonya.

Nakaiskedyul magsimula ang pormal na paglilitis sa Hulyo 6 habang nagpapatuloy ang mga pre-trial proceedings.