Bumuwelta si House Prosecutor Terry Ridon sa naunang patutsada ng defense team ni VP Sara Duterte na umaasa lamang umano ang mga mambabatas na miyembro ng prosecution panel sa mga private lawyer para sa kaso laban sa pangalawang pangulo.
Nag-ugat ang pahayag ng defense team sa natatagalan na pre-trial conference na nagsimula pa noong nakaraang linggo.
Ayon kay Defense member Atty. Mark Vinluan, dumadalo lamang sa umaga ang mga public prosecutor ngunit umaalis din kinalaunan at iniiwan ang trabaho sa mga private prosecutor.
Buwelta ni Ridon, aktibong nakikibahagi ang mga public prosecutor sa conference at sa lahat ng prosesong kailangan upang sa lalong madaling panahon ay matapos ang pre-trial conference at tuluyan nang magsimula ang trial.
Sa katunayan, aniya, tatlong araw na ang pre-trial conference at sa lahat ng mga ito ay naroon siya hanggang dulo
****
Mariing itinanggi ni Nicholas Kaufman, lead defense counsel ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC), ang mga puna laban sa kanya kaugnay ng umano’y paglabag sa ethical standards ng korte.
Sa kanyang pahayag, binigyang-diin ni Kaufman na wala siyang sinalungat na ethical obligations sa ICC.
Ayon sa kanya, ang mga kritisismo ni ICC Presiding Judge Joanna Korner ay hindi indikasyon ng paglabag, kundi bahagi lamang ng tinatawag niyang “judicial sensitivity.”
Nauna nang sinabi ni Judge Korner na ang paglilitis kay Duterte ay hindi dapat magpasya sa “court of public opinion.” Tinawag din niyang “inappropriate” ang mga naunang pahayag ni Kaufman sa media.
Gayunman, iginiit ng abogado na ang lahat ng kanyang naging aksyon ay mahigpit na nakabatay sa ICC code of conduct, at wala siyang nilabag na alituntunin sa kanyang tungkulin bilang counsel.
**
Pumasok na rin ang National Bureau of Investigation (NBI) sa imbestigasyon sa nangyaring pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City.
Bagaman hindi pa naglalabas ng karagdagang detalye ang naturang opisina, kinumpirma ni Dir. Melvin Matibag na nagsasagawa na ng imbestigasyon ang mga agent nito, sa pakikipagtulungan sa ibang law enforcement agencies.
Kasunod ng naganap na pamamaril, kumikilos na aniya ang NBI at sinisiyasat na ang pamamaril, lawak ng epekto nito, at ang kabuuang nagtulak o naging mitsa ng insidente.
Unang naganap ang naturang pamamaril noong June 22, 2026 kung saan dalawang estudyante na parehong menor de edad ang namaril sa loob ng silid aralan ng nabanggit na high school.
Nag-iwan ito ng tatlong estudyanteng nasawi habang 22 naman ang nasugatan.
Bago ang pagpasok ng NBI ay ipinag-utos na ng Philippine National Police ang malawakang imbestigasyon, lalo at isa sa mga narekober na baril ay pag-aari umano ng isang babaeng pulis na tiyahin ng isa sa mga suspek.