Skip to content

June 23 - 6 am NEWS

June 23 - 6 am NEWS
CHESTER PANGAN
Jun 23, 2026 | 7:51 AM

Upang masiguro ang kaligtasan ng mamamayan laban sa matinding pagbaha sa Cebu, inianunsiyo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagtatayo ng bagong dam sa Talisay City, Cebu.

Binisita ng Pangulo nitong Lunes ang ginagawang rehabilitasyon ng Mananga River Flood Control project at binu¬sisi ang binagong disenyo ng flood control facility.

Tiniyak ng Pangulo sa mga taga-Cebu na magpapatuloy ang pagkumpuni at rehabilitasyon ng mga flood control at planong mag¬lagay ng bagong dam sa Mananga river upang mabawasan ang mga pagbaha sa lalawigan.

“Mayroon na tayong plano para maglagay ng dam sa taas. Dito sa Mananga river, it’s a 70-meter dam,” anang Pangulo.

Nakalagay na aniya sa panukalang 2027 national budget ang pondo at titiyakin na hindi magagalaw ang pondo kapag dumaan sa budget process. (Aileen Taliping)

---

Itinalaga si Atty. Benjamin Tolosa Jr. bilang legal spokesperson ng House prosecution panel para sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Sa isang press briefing nitong Lunes, sinabi ni House lead prosecutor at Batangas Rep. Gerville Luistro na bukod sa pagiging spokesperson si Tolosa ay dagdag sa listahan ng mga private prosecutor na tumutulong sa House prosecution panel.

“As legal spokesperson, he will be speaking in behalf of the prosecution team, particularly with respect to the developments that are happening in the proceedings of the impeachment trial,” sabi ni Luistro.

“Attorney Jay Tolosa is not only a legal spokesperson, soon he will be entering his appearance as well as one of the private prosecutors,” dagdag pa ng lady solon. “So indeed, he will be participating actively in the trial.” (Billy Begas)

---

Nahaharap umano sa matinding krisis sa enerhiya ang Pilipinas kapag itinuloy ng gobyerno ang Pax Silica projects sa New Clark City.

Ito ang babala ng Makabayan bloc sa Kamara de Representantes matapos aminin ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) na manganga¬ilangan ng 5 gigawatts na kuryente ang Pax Silica hub kapag itinayo na ito.

Ayon sa Makabayan bloc, lalong lalala ang problema sa supply ng kur¬yente kapag nagkataon at posibleng isakripisyo ang mga consumers sa labas ng New Clark City kung saan itatayo ang Pax Silica projects upang hindi lang maapektuhan ng operasyon nito.

Ipinaliwanag ng nasabing grupo na ang isang artificial intelligence data center ay nakakakonsumo ng kuryente na katumbas ng ginagamit ng 100,000 kabahayan kaya malaki aniya ang implikasyon nito sa mga consumers. (Bernard Taguinod)

---

Nagprotesta ang libo-libong mga residente at manggagawa sa San Jose Del Monte City, Bulacan laban sa PrimeWater Infrastructure Corp.

Nanawagan ang grupo na alisin sa PrimeWater ang operasyon ng tubig sa lungsod.

Ang protesta ay pina¬ngunahan ng Confederation of City of San Jose del Monte Homeowners Associations, Inc., Sentro ng Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa, at Small Entrepreneurs for Livelihood Development Association.

Isinagawa ang protesta sa labas ng Puregold-Starmall na iniuugnay sa mga negosyo ni Lucio Co at ng Villar Group.

Ayon kay CCHOAI President Joshua Crisostomo, batay sa inspeksiyon ng City LGU, 27 sa 37 pasilidad na may kaugnayan sa suplay ng tubig sa lungsod ang abandonado o hindi nagagamit nang maayos.

Ayon sa mga nagprotesta, ilang taon silang nagbabayad nang tama para sa suplay ng tubig, subalit bigo ang PrimeWater na ayusin ang kanilang serbisyo.