Skip to content

June 22 - 8 am NEWS

June 22 - 8 am NEWS
CHESTER PANGAN
Jun 22, 2026 | 10:30 AM

Inanunsyo ni Keir Starmer sa harap ng 10 Downing Street na siya ay magbibitiw bilang Prime Minister ng United Kingdom at lider ng Labour Party.

Ayon kay Starmer, tinanggap niya “ng buong paggalang” ang desisyon ng kanyang parliamentary party na hindi na siya ang pinakamainam na mamuno sa susunod na halalan.

Si Starmer, na nagdala sa Labour ng landslide victory noong 2024, ay naharap sa pagbagsak ng popularidad ng partido at matinding presyur mula sa mga kasamahan.

Itinakda niya ang Hulyo 9 bilang simula ng nominasyon para sa bagong lider, na inaasahang makakumpleto bago bumalik ang Parliament sa Setyembre.

Sa kanyang emosyonal na pahayag, pinasalamatan niya ang kanyang asawa at mga anak, at sinabing ang pamumuno sa bansa ay “pinakamalaking karangalan” ng kanyang buhay.

Ang kanyang pagbibitiw ay nagbukas ng daan para kay Andy Burnham, dating mayor ng Greater Manchester, na lumitaw bilang posibleng kahalili.

---

Nag-iwan ng pinsala at ilang sugatan ang malakas na pagsabog sa isa sa mga pabrika sa Ras Laffan industrial zone sa Doha, Qatar.

Ayon sa state-owned na kumpanyang QatarEnergy at sa Ministry of Interior ng Qatar, ang pagsabog at sunog ay nagmula sa isang technical malfunction sa Barzan gas supply facility habang sinisimulan pa lamang ang operasyon nito.

Nagdulot ito ng sunog, at naramdaman ang malakas na pagyanig sa malalayong lugar. Base sa inisyal na ulat, mayroong 54 katao ang nasugatan sa pagsabog habang may 18 nawawala.

Sa kabatiran ng publiko, ang Ras Laffan ay ang pinakamalaking pasilidad ng Liquefied Natural Gas (LNG) sa buong mundo, na matatagpuan sa hilagang baybayin ng Qatar.

Base sa ulat, may ilang nasugatan ngunit agad na naapula ng Civil Defence teams ang apoy.

Kinumpirma naman ng pamahalaan na walang naiulat na pagtagas (leak) ng gas o kemikal na nagbabanta sa kaligtasan ng publiko.

Samantala, patuloy naman na binabantayan ng mga awtoridad ang kaligtasan sa lugar dahil ang pinangyarihan ng pagsabog ay malapit lamang sa mga pinatratrabahuhan ng maraming overseas Filipino workers (OFWs) sa rehiyon.

Bago ang insidente, matinding nang napuruhan ang Ras Laffan hub dahil sa kamakailang giyera sa pagitan ng US, Israel at Iran, kayat napilitang itigil ng Qatar ang gas production nito.

Dahil sa matinding pinsala mula sa mga pag-atake, inaasahang aabutin pa ng tatlo hanggang limang taon bago ito maayos gayundin inaasahang mababawasan ng 17% ang kapasidad nito na magluwas ng liquefied natural gas (LNG).