Skip to content

June 2 - 8 am NEWS

June 2 - 8 am NEWS
CHESTER PANGAN
Jun 02, 2026 | 9:49 AM

Nagpapatuloy ang labanan sa Southern Lebanon kahit tinanggap na ng Israel at Hezbollah ang planong tigil-putukan na inihain ng Estados Unidos.

Ayon kay US President Donald Trump, nagkasundo ang magkabilang panig na itigil ang putukan matapos niyang makausap ang kanilang mga kinatawan.

Tinanggap din umano ng Hezbollah ang kasunduan na ihinto ang pag-atake sa Israel kapalit ng hindi pag-atake ng Israel sa Beirut.

Kinumpirma ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu ang kasunduan ngunit nagbabala na magpapatuloy ang pag-atake kung hindi titigil ang Hezbollah sa pag-target sa mga lungsod at sibilyan ng Israel.

Sa kabila nito, sinabi ng Hezbollah na nagsagawa ito ng mga pag-atake gamit ang drone at artillery laban sa mga sundalo ng Israel, habang iniulat naman ng Israel na naharang nito ang dalawang projectile mula sa Lebanon.

May mga panibago ring airstrike ng Israel sa southern Lebanon.

Nagbabala rin ang Iran na ang anumang paglabag sa tigil-putukan sa Lebanon ay maituturing na paglabag sa umiiral na kasunduan sa pagitan ng Iran at Estados Unidos.

Samantala, iginiit ni Trump na nagpapatuloy ang diplomasya at nananatiling epektibo ang kasunduan sa tigil-putukan.

---

Naglunsad ng malawakang air-strikes ang Russia sa Ukrainian capital na Kyiv.

Nagdulot ng pagkasira ng maraming mga gusali at kabahayan.

Tinatayang nasa 10 katao naman ang nasawi sa magdamagang pag-atake ng Russia sa nasabing lugar kung saan mahigit 100 katao ang nasugatan.

Pinagsamahang drone at missile attacks ang pinakawalan ng Russia sa pag-atake sa Ukraine.

Itinuturing ng Russia na gumanti lamang sila sa unang ginawang pag-atake ng Ukraine noong nakaraang linggo.

--

Nagbabala ang Iran na maaaring maapektuhan ang umiiral na ceasefire understanding nito sa Estados Unidos kung magpapatuloy ang mga pag-atake ng Israel sa Beirut, Lebanon, sa gitna ng lumalalang tensyon sa rehiyon.

Ayon kay Iranian Foreign Minister Abbas Araghchi, ang kasunduan sa Washington ay tumutukoy sa “ceasefire on all fronts, including in Lebanon,” at anumang paglabag sa isang lugar ay maaaring magresulta sa pagkawala ng kabuuang kasunduan.

Ang pahayag ay kasunod ng utos ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu na magsagawa ng airstrikes sa Dahieh district sa Beirut, na tinawag niyang “terror infrastructure” na may kaugnayan sa mga pag-atake ng rocket at drone na iniuugnay sa Hezbollah.

Sinabi ni U.S. President Donald Trump na patuloy siyang nakikipag-usap sa magkabilang panig, kabilang si Netanyahu at mga kinatawan na may kaugnayan sa Hezbollah.

Sa kanyang social media posts, sinabi ni Trump na walang tropang ipapadala sa Beirut dahil sa umiiral umanong kasunduan na ihinto ang sigalot kapalit ng pagtigil ng Israel sa pambobomba sa Lebanon.

Gayunpaman, walang kumpirmasyon sa sinasabing direktang komunikasyon ng U.S. at Hezbollah.

Kinumpirma naman ni Netanyahu ang pakikipag-usap kay Trump ngunit iginiit niya na magpapatuloy ang Israel sa operasyon laban sa Hezbollah kung magpapatuloy ang militanteng grupo sa pag-atake sa mga sibilyan ng Israel.