Tiniyak ng Malacañang na nakahanda ang gobyerno na bawasan o kung hindi man ay mawala na ang matitinding pagbaha sa panahon ng habagat.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, tuloy ang mga ginagawa ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na paglilinis sa mga estero at mga imburnal upang masiguro ang patuloy na daloy ng tubig-ulan sa panahon ng bagyo at malakas na mga pag-ulan.
Pero sinabi ni Castro na kailangan din ang kooperasyon ng publiko upang epektibo ang mga ilalargang hakbang para sa kaligtasan ng publiko.
“Magtulong-tulong po tayo, ang paglilinis ng estero ay hindi lamang dapat na ipauubaya sa gobyerno, kailangan lahat ay tumulong upang maiwasan ang pagbaha,” ani Castro.
Isinabay na rin aniya ng MMDA ang pagtulong sa Brigada Eskuwela ng Department of Education (DepEd) upang maglinis at magkumpuni ng mga classroom, anti-dengue misting at pagputol ng mga sanga ng puno.
--
Sa panahon ng pangangailangan, bawat oras ay mahalaga. Para kay FPJ Panday Bayanihan Partylist Representative Brian Poe, hindi dapat naaantala ang tulong ng pamahalaan dahil sa mabagal at magkakaibang proseso ng pag-apruba ng financial assistance.
Dahil dito, isinusulong niya ang House Bill No. 7849 o ang Direkta at Agad na Lingap at Interbensiyon (DALI) Act, na naglalayong gawing mas mabilis at mas simple ang pag-access ng mga Pilipino sa agarang tulong mula sa gobyerno.
Sa pagdinig ng Committee on Social Services, binigyang-diin ni Poe na maraming pamilya ang napipilitang mangutang upang matugunan ang gastusing medikal, pagpapalibing, at iba pang pangangailangan habang hinihintay ang pagproseso ng kanilang mga aplikasyon.
Sa ilalim ng panukala, iisang set ng dokumento na lamang ang kakailanganin para sa aplikasyon ng assistance, kasabay ng mas malawak na paggamit ng digital platforms tulad ng eGovPH Super App upang gawing mas mabilis at mas malinaw ang proseso ng pag-apruba at paglabas ng tulong.
Ayon kay Poe, ang repormang ito ay tugon sa mga aktwal na karanasan ng mga benepisyaryo na mas pinipiling mangutang o maglabas ng sariling pera dahil sa kawalan ng agarang impormasyon at matagal na proseso ng pagproseso ng ayuda.
Ibinahagi niya ang mga karanasang kanyang natatanggap mula sa mga benepisyaryo, kabilang ang isang kaso kung saan ang isang pasyente ay kailangang ma-discharge agad sa ospital. Dahil sa kakulangan ng kaalaman sa proseso ng assistance, napilitan itong mangutang para mabayaran ang hospital bills, sa halip na hintayin ang tulong mula sa gobyerno.
May isa pang insidente, ayon kay Poe, kung saan isang security guard ang umasa rin sa assistance ngunit dahil hindi tiyak ang oras ng paglabas ng ayuda, napilitang umutang, na kalaunan ay nagdulot pa ng dagdag na pinansyal na hirap sa kanyang pamilya.
“Week on week nangyayari ito sa akin,” aniya, na nagpapakita na hindi iisang kaso lamang ang ganitong sitwasyon.
Nilinaw ni Poe na ang panukala ay hindi kritisismo sa mga ahensya tulad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), kundi isang hakbang upang mas palakasin pa ang kanilang serbisyo sa pamamagitan ng mas maayos na koordinasyon at mas malinaw na proseso sa lahat ng antas ng pamahalaan.
Ayon sa kanya, ang layunin ng panukala ay tiyaking ang tulong ng gobyerno ay hindi na nade-delay dahil sa sistemang magulo o pabago-bago, lalo na sa mga sitwasyong kailangang-kailangan ang agarang aksyon tulad ng ospitalisasyon, aksidente, at biglaang pagkamatay.
“Hindi lang ito usapin ng proseso. Usapin ito ng oras, at ng agarang pagdamay sa panahon ng pangangailangan,” ani Poe.
Sa pamamagitan ng DALI Act, inaasahang magiging mas mabilis, tuloy-tuloy, at nakasentro sa mamamayan ang pagbibigay ng financial assistance ng pamahalaan, upang sa oras ng krisis, mas mabilis na natatanggap ng mga Pilipino ang tulong na kanilang kailangan.