Iginiit ni House Majority Leader Sandro Marcos na lehitimo ang mga puna sa Anti-Political Dynasty bill ng Kamara, ngunit sinabi niyang ang kasalukuyang bersyon ay bunga ng kompromiso upang makakuha ng sapat na suporta mula sa mga mambabatas.
Ayon kay Marcos, batay sa konsultasyon sa mga lider ng partido, posibleng mawalan ng sapat na boto ang panukala kung mas magiging mahigpit ang mga probisyon nito. Aminado rin siyang marami sa mga miyembro ng Kamara ay kabilang sa mga political dynasty.
Nilinaw niya na hindi pa pinal ang panukala dahil daraan pa ito sa Senado at sa bicameral conference committee, kung saan maaari pang amyendahan ang mga probisyong itinuturing na kulang o hindi katanggap-tanggap.
Sinabi rin ni Marcos na hindi pa niya nababasa ang bersyon ng Senado kaya hindi pa siya makapagbibigay ng komento sa mga probisyon nito, kabilang ang panukalang pagbabawal sa political succession.
Ang Anti-Political Dynasty Law ay isa sa priority measures na isinusulong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
**
Nadakip ng pulisya ang siyam na enforcer ng Land Transportation Office (LTO)-Caraga Region sa isinagawang entrapment operation sa Brgy. Alubijid, Buenavista, Agusan del Norte nitong Huwebes.
Ayon sa mga awtoridad, nahuli ang mga enforcer dahil sa umano’y pangongotong sa mga motorista at biyahero sa gitna ng kanilang operasyon sa kalsada.
Isinagawa ang operasyon matapos makatanggap ng reklamo mula sa mga apektadong motorista hinggil sa umano’y modus ng mga tauhan ng LTO.
Batay sa LTO Central Office, matagal nang may mga reklamong natatanggap laban sa ilang personnel kaugnay ng panghihingi ng pera sa mga motorista tuwing inspeksyon at pagdakip sa mga lumalabag sa batas-trapiko.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang lawak ng operasyon at iba pang posibleng sangkot sa naturang gawain.
***
Nanindigan si Sen. Bong Go na mananatili siya sa minority bloc ng Senado, kahit mag-isa man o may kasama.
Ayon sa kanya, prinsipyo, paniniwala, at paninindigan ang kanyang pinanghahawakan sa gitna ng pagbabago ng liderato sa Senado.
Ito ang pahayag ng senador kasunod ng pormal na pagkakatalaga ng bagong Senate Majority nitong Miyerkules, Hunyo 17.
Giit ni Go, panahon na upang tutukan ang tunay na serbisyo sa taumbayan, lalo na’t ilang linggo ang nasayang sa aniya’y magulo at tila “circus” na sitwasyon sa loob ng Senado.
Muling nanawagan si Go sa kanyang mga kasamahan sa gobyerno na unahin ang kapakanan ng mga Pilipino, partikular na ang mga dumaranas ng krisis.