Nagpaputok ng “warning shot” ang isang barkong pandigma ng Russia malapit sa isang yate na may bandila ng United Kingdom sa English Channel.
Nangyari ang insidenteng ito nitong Martes, Hunyo 16, 2026.
Ang frigate ng Russia na Admiral Grigorovich at ang UK-registered na yate na pinangalanang Bright Future ang mga sangkot sa naturang insidente.
Ayon sa Ministry of Defense ng Russia, gumawa umano ng “mapanganib na paglapit” ang yate patungo sa kanilang barko sa gitna ng makapal na hamog.
Matapos umanong hindi magbago ng kurso ang yate at lumapit sa distansyang kulang sa 500 talampakan, dito na nagpaputok ang commander ng Russian warship ng mga warning shot gamit ang maliliit na armas upang maiwasan ang banggaan.
Wala namang nasaktan sa mga lulan ng yate na mag-asawang British at walang natamong pinsala ang yate. Agad ding lumayo ang yate matapos ang mga putok.
Kinumpirma naman g Ministry of Defence (MoD) ng UK na nag-imbestiga sila sa naturang insidente. Ipinaliwanag nito na ang mga putok ay hindi direktang itinama sa yate kundi isang hudyat lamang upang maiwasan ang posibleng salpukan.
Samantala, bagamat itinuturing ng MoD na isang hiwalay na insidente ito, nagdulot ito ng pagkabahala dahil nangyari ito dalawang araw matapos harangin at hulihin ng militar ng UK ang isang oil tanker na bahagi ng “shadow fleet” ng Russia sa parehong rehiyon.
---
Isang malaking private investment fund na nagkakahalaga ng tinatayang $300 billion ang isinama umano sa isang U.S.–Iran framework agreementna layong tapusin ang digmaan sa Gitnang Silangan.
Ayon sa isang source na may direktang kaalaman sa kasunduan, layunin ng pondo na hikayatin ang Iran para makumpleto ang ganap na kapayapaan sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.
Mahigit kalahati umano ng naturang halaga ay nakapag-commit na mula sa iba’t ibang kumpanya sa Amerika, Gulf countries, Asya, South America, at Africa.
Layon ng pondo na mag-invest sa mga sektor tulad ng enerhiya, transportasyon, manufacturing, at logistics.
Ayon sa report, ang tinatawag na “Reconstruction and Development Fund” ay hindi gagamit ng government money, kundi isang private investment vehicle lamang.
Kasama rin sa plano ang posibilidad ng pagpapautang at pagpopondo sa muling pagpapaunlad ng mga imprastraktura sa Iran na nasira dahil sa digmaan, kabilang ang mga pasilidad sa industriya at transportasyon.
Ang naturang investment fund ay hiwalay umano sa hiwalay na usapan tungkol sa pagpapaluwag ng sanctions at pag-access sa frozen assets ng Iran.
Samantala, wala pang opisyal na kumpirmasyon mula sa U.S. ang naturang investment fund.