Inanunsiyo ni US President Donald Trump na ganap nang bubuksan sa Biyernes, Hunyo 19, ang Strait of Hormuz, na isang mahalagang ruta ng langis.
Ito ay matapos na magkasundo ang Estados Unidos at Iran na waksan na ang giyera sa Middle East, na isang malaking hakbang sa pagtatapos ng ilang buwang labanan at economic turmoil.
Ayon kay Trump, sisimulang pakilusin ang mga barko at kakargahan ng mga langis palabas ng Strait of Hormuz.
Sinabi rin ng US President na hindi niya akalain na kakailanganin ng maraming tulong para mabuksan ang lagusan.
Nitong Lunes, iniulat ng Iranian media na mayroon ng tatlong oil tankers at dalawang cargo ships ang dumaan sa lugar na naging subject ng US naval blockade.
Samantala, nakatakda ring lagdaan sa Biyernes, sa Switzerland ang peace agreement sa pagitan ng US at Iran kasama ang mediator na Pakistan.
----
Nagpaabot ng panalangin si Pope Leo XIV para sa lahat ng Pilipinong naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol na tumama sa baybayin ng Sarangani noong nakaraang linggo at kumitil na sa 61 katao.
Sa kanyang mensahe sa kanyang X account, sinabi ng Santo Papa na ipinagdarasal niya ang mga nasawi at kanilang mga pamilya, ang mga nasugatan, at ang lahat ng patuloy na nagdurusa dahil sa naturang kalamidad.
Matatandaang nagdulot ng matinding pinsala ang malakas na lindol na tumama sa parte ng Mindanao noong Hunyo 8, kung saan iba’t ibang bansa na rin ang nagpaabot ng pakikiramay at handang tumulong sa Pilipinas.
Batay sa pinakahuling datos ng Office of Civil Defense, umabot na sa 61 ang bilang ng mga nasawi, kung saan 54 ang mula sa Region 12 at pito naman ang mula sa Region 11.
Naitala rin ang kabuuang 5,200 aftershocks na may lakas mula magnitude 1.2 hanggang 6.4, kung saan 1,307 ang na-plot at 76 ang naramdaman ng publiko.
Dahil sa matinding pinsalang dulot ng lindol, isinailalim na rin sa state of calamity ang Sarangani at General Santos City.