Mariing kinondena ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia ang pagpapataw ng sanksyon ng Tsina laban kay Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr., na aniya’y isang tahasang paglapastangan sa soberanya ng Pilipinas at malinaw na pagtatangkang gipitin at takutin ang isang opisyal na tapat lamang na ginagampanan ang kanyang tungkulin na ipagtanggol ang pambansang interes.
Ayon kay Goitia, mas marami pang sinasabi ang naturang hakbang tungkol sa nagpataw nito kaysa sa pinatawan, at dapat itong magsilbing dahilan upang lalo pang tumibay ang paninindigan ng bansa.
Nagpahayag din ng pagkabahala si Goitia sa mga ulat na nananatili pa rin sa loob ng lagoon ng Bajo de Masinloc ang isang lumulutang na istrukturang Tsino sa kabila ng paulit-ulit na diplomatikong protesta ng Pilipinas. Aniya, hindi dapat ituring ang usapin bilang isang maliit o karaniwang pangyayari lamang.
Binigyang-diin niya na higit pa sa isang bahura o anyong pandagat ang nakataya sa usaping ito.
Nanawagan si Goitia sa mga Pilipino na manatiling nagkakaisa sa likod ng mga lehitimo at naaayon sa batas na hakbang upang igiit at ipagtanggol ang mga karapatan ng bansa sa ating karagatan. Iginiit din niya ang kanyang buong suporta kay Teodoro, na aniya’y sumasalamin sa damdamin ng maraming Pilipinong hindi handang isuko o ikompromiso ang pambansang soberanya.
---
Bahagyang tumaas ang ipinadalang pera ng mga OFW noong Abril 2026 ngunit naitala rin ang pinakamababang buwanang remittance sa nakalipas na 11 buwan, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas.
Batay sa datos ng BSP, umabot sa $2.718 bilyon o higit P164 bilyon ang cash remittances noong Abril, mas mataas ng 2% kumpara sa $2.664 bilyon sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.
Gayunman, bumaba ito mula sa $2.874 bilyon na naitala noong Marso at ito na ang pinakamababang halaga ng remittance mula pa noong Mayo 2025.
Bukod dito, ang 2% paglago ay siya ring pinakamahinang pagtaas sa mga nakaraang taon.
Sa kabila nito, umabot naman sa $11.398 bilyon ang kabuuang cash remittances mula Enero hanggang Abril ngayong taon, mas mataas ng 2.6% kumpara sa parehong panahon noong 2025. (Issa Santiago)