Skip to content

June 16 - 6 am NEWS

June 16 - 6 am NEWS
DONNA NATIVIDAD-ARENAS
Jun 16, 2026 | 7:47 AM

Ipinag-utos ng Sandiganbayan Second Division ang 90-araw na preventive suspension kay Senador Jinggoy Estrada kaugnay ng kanyang kasong graft na may kinalaman sa umano’y flood control kickback scheme.
Ayon sa korte, ang preventive suspension ay bahagi ng proseso upang matiyak na hindi makakaapekto si Estrada sa imbestigasyon habang nakabinbin ang kaso.
Sa ilalim ng batas, ang sinumang opisyal na nahaharap sa kasong graft ay maaaring ipataw ng preventive suspension upang mapanatili ang integridad ng mga proceedings.
Ang kasong kinakaharap ni Estrada ay kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects, kung saan sinasabing may nakuhang kickback mula sa pondo ng pamahalaan.

***
Malaking bagay para sa Pilipinas ang suporta ng Germany sa Pilipinas sa posisyon nito sa West Philippine Sea (WPS).
Hayagang inihayag ni German President Frank-Walter Steinmeier sa kanilang pulong ni Pangulong Marcos kanina sa Palasyo ng Malakanyang ang suporta nito sa Pilipinas lalo na ang pagtataguyod sa rule of law at paggalang sa 2016 Arbitral Award.
Nagpasalamat din si Pangulong Marcos sa Germany sa suporta para sa pagpapalakas at modernisasyon ng Philippine Coast Guard (PCG) sa larangan ng maritime at aviation operations.
Kabilang sa tulong ng Germany ang pagkakaloob ng dalawang Airbus H145 twin-engine helicopters noong 2019 at mga unmanned aerial vehicles (UAVs) noong 2024.
Binanggit din ni Pangulong Marcos, na sa usaping militar, tatlong taon na ring sumasali ang Germany bilang observer sa taunang Balikatan exercises.

**

Mas malapit na sa mga komunidad ng Eastern Laguna ang serbisyong pangkalusugan at pang-humanitarian matapos buksan ng Philippine Red Cross ang bagong Siniloan Branch at Blood Collecting Unit/Blood Station noong Hunyo 15, 2026. Ito na ang ika-apat na sangay ng PRC sa Laguna na magsisilbi sa walong bayan ng Eastern Laguna at kalapit na lugar sa Rizal at Quezon.
Ang pasilidad ay magbibigay ng mas madaling access sa blood collection, storage, at distribution upang matiyak na may sapat at ligtas na suplay ng dugo para sa mga pasyente at ospital. Bukod sa blood services, magsisilbi rin itong humanitarian hub na magdadala ng iba’t ibang programa ng Red Cross gaya ng emergency response, disaster preparedness, health and welfare programs, at volunteer development.
Ayon kay PRC Chairman at CEO Richard Gordon, ang pagbubukas ng sangay ay bahagi ng kanyang pangmatagalang layunin na palawakin ang network ng Red Cross upang mas mailapit ang serbisyong pangkaligtasan sa mga tao. Pinuri naman ni Laguna Governor Marisol Aragones ang proyekto, na aniya’y magbibigay ng mahalagang tulong sa mga mamamayan ng lalawigan.