Skip to content

June 15 - 8 am NEWS

June 15 - 8 am NEWS
CHESTER PANGAN
Jun 15, 2026 | 10:57 AM

kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DAF) na may nakatakdang bilateral meeting si Pangulong Ferdinand Marcos Jr at Russian President Vladimir Putin. 

Sa pre-departure briefing sa Malakanyang, sinabi ni DFA Assistant Secretary Dominic Imperial na bahagi ito ng paggunita sa ika 50th anibersaryo ng diplomatic relations ng Pilipinas at Russia.

Ayon kay Imperial sa gagawing bilateral meeting inaasahang matatalakay ng dalawang lider ang  mga paraan para higit pang mapalakas ang kooperasyon ng dalawang bansa sa larangan ng enerhiya at food security.

Tututok din ang pulong nina PBBM at President Putin sa  ilang mahahalagang   regional at international issues tulad ng epekto sa seguridad sa  enerhiya at pagkain ng nagpapatuloy na krisis sa gitnang silangan.

Ayaw namang pangunahan ni Imperial kung makapagsasara ba ng kasunduan ang dalawang bansa hinggil sa usapin ng suplay ng langis, nuclear energy o renewable energy, kundi hintayin na lamang aniya kung ano ang magiging kalalabasan ng kanilang pag uusap. 

Magiging bahagi rin aniya ng bilateral meeting ang  kooperasyon sa pagitan ng pilpinas at russia sa larangan ng  turismo, edukasyon, kultura, science and technology at people to people exchanges.

---

Nauwi sa marahas na kaguluhan at engkwentro sa pagitan ng mga raliyista at kapulisan ang malawakang anti-G7 protest sa Geneva, Switzerland nitong Hunyo 14, bisperas ng opisyal na pagsisimula ng G7 Summit.

Umabot sa tinatayang 20,000 katao ang sumali sa martsa na inorganisa ng koalisyong “No-G7”. May humigit-kumulang 600 miyembro ng radical “Black Bloc” ang humalo sa mapayapang rally at nagsimula ng karahasan.

Sumiklab ang kilos-protesta sa isang parke sa tabi ng Lake Geneva bago lumala ang sitwasyon sa sentro ng lungsod.

Nagdulot ng pinsala ang maarahas na protesta kung saan isang mamahaling sasakyan (Tesla car) ang sinilaban at tuluyang sinunog sa tapat ng central bus stop.

Binasag din ng mga raliyista ang mga bintana ng opisina ng United Nations (UN), partikular na ang International Telecommunication Union (ITU). Inatake at pinagbabasag din ang mga salamin ng mga pribadong bangko (tulad ng Banque du Leman) at ang opisina ng kumpanyang PricewaterhouseCoopers (PwC).

Naghagis din ng mga bato ang mga naka-mask na mga kabataan, nagbato rin ng bote, piraso ng semento, at paputok sa mga otoridad.

Tinugunan naman ito ng Swiss riot police at gumamit na ng tear gas at water cannons upang itaboy at pawiin ang marahas na grupo.

Nagpatupad ng maraming pag-aresto ang kapulisan at nakasamsam ng mga mapanganib na armas tulad ng kutsilyo, palakol, at pamalo.

Nagpakalat na rin ng 4,000 military personnel ang Switzerland at sinarado ang halos lahat ng border crossings patungong France bilang pag-iingat.

Base sa ulat, nag-ugat ang galit ng mga aktibista sa kanilang pagtutol sa konsentrasyon ng yaman ng mayayamang bansa at korporasyon habang naiiwan ang mahihirap. Binabatikos din nila ang mga polisiya ni US President Donald Trump ukol sa ekonomiya, pagpataw ng mga taripa at climate issues gayundin nagpoprotesta sila laban sa mga nagaganap na giyera at pagbibigay ng suporta para sa karapatan ng mga Palestinian.