Skip to content

June 15 - 7 am NEWS

June 15 - 7 am NEWS
CHESTER PANGAN
Jul 15, 2026 | 9:51 AM

Balik ‘Pinas na noong Martes ng gabi, Hulyo 14, ang 15 marinong Pilipino na sakay ng Qatari tanker na Al Rekayyat na napinsala matapos tamaan ng isang projectile sa Strait of Hormuz, ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Sinalubong ng mga kawani ng nasabing ahensiya, kasama ang Department of Migrant Workers (DMW), ang mga marino upang matiyak ang maayos na pagproseso ng kanilang pagdating at matulungan.

Bago ito, sinabi ng Department of Foreign Affairs na agad nagpadala ang Philippine Embassy–Migrant Workers Office sa Muscat ng isang team upang makipag-ugnayan sa pamunuan ng barko at sa mga marinong Pinoy at matiyak na ligtas ang mga ito.

Siniguro rin ng mga opisyal na nabigyan sila ng kinakailangang pagkain, medical checkup, at access sa komunikasyon sa kanilang mga pamilya sa Pilipinas.

---

Mga reklamong idinadaan sa 8888 at Presidential Action Center (PACE) ang isa sa mga unang ipapahawak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay bagong Cabinet Secretary Benhur Abalos.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, nais ng Pangulo na masigurong natutugunan ng gobyerno hindi lang ang malalaking problema kundi maging ang mga hinaing ng ordinaryong mamamayan.

“Hawak niya din iyung normal na reklamo sa PACE at saka sa 8888. Ito ay dapat ma-monitor kung ano yung mga problema ng taong bayan kasi maliit na mga problema dapat din sino-solusyonan, hindi lang yung malalaki,” ani Castro sa isang television interview.

Dagdag pa niya, ito mismo ang isa sa mga dahilan kung bakit si Abalos ang piniling mamuno sa Office of the Cabinet Secretary.

“Yan ang patutukan ng Pangulo kaya CabSec Benhur Abalos para lahat ng maaaring may iniinda, maliit man o malaki, ay natututukan ng gobyerno,” sabi ni Castro.

Samantala, nilinaw ni Castro na hindi pa kabilang sa pangunahing tungkulin ni Abalos ang pagtulong sa paghahanap at pagpapauwi sa mga personalidad na pinaghahanap ng gobyerno, dahil may mga opisyal nang nakatalaga para rito.

“May nakaatas na nga po kasi diyan na mga opisyal at puwede naman iutos ng Pangulo, pero sa tingin natin ay hindi pa naman ito ang pinakamandato ng CabSec,” dagdag niya. (Prince Golez)

---

Umangat ang net satisfaction rating ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong Hunyo, pero nanatili pa rin itong negatibo, ayon sa Social Weather Stations (SWS).

Mula -15 noong Marso, tumaas sa -7 ang rating ng Pangulo. Itinuturing ito ng SWS na “neutral”, ngunit mas marami pa rin ang hindi kuntento kaysa kuntento sa kanyang pagganap.

Sa survey na isinagawa noong Hunyo 20 hanggang 29, 38% ang nagsabing nasisiyahan sila kay Marcos, habang 45% ang hindi nasisiyahan. Nasa 17% naman ang undecided.

Noong Marso, 33% ang satisfied, 49% ang dissatisfied, at 18% ang undecided.

Bumuti ang rating ni Marcos sa lahat ng pangunahing rehiyon, ngunit nanatiling mababa sa Metro Manila at Mindanao.

Pinakamataas ang net satisfaction sa Balance Luzon na +11, mula +2 noong Marso. Sa Visayas, umangat ito sa -3 mula -15. Sa Metro Manila, tumaas sa -24 mula -31.

Mindanao pa rin ang pinakamahinang rehiyon para sa Pangulo, kahit umangat ang kanyang rating sa -35 mula -40.

Bumuti rin ang kanyang marka sa mga rural at urban area. Sa kanayunan, umangat ito sa -2 mula -9. Sa mga lungsod, tumaas sa -12 mula -20. (Eileen Mencias)