Skip to content

June 15 - 6 am NEWS

June 15 - 6 am NEWS
DONNA NATIVIDAD-ARENAS
Jun 15, 2026 | 8:28 AM

Mahigit 30 testigo ang nakatakdang iharap ng House prosecution panel sa paglilitis ng kasong impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, ang lead prosecutor at pinuno ng House Committee on Justice, kasabay ng paghahain ng koponan ng kanilang pre-trial brief sa Senate Impeachment Court.
Ayon kay Luistro, pinalawak nila ang listahan upang matiyak na mailalatag ang lahat ng mahahalagang testimonya. Ipinaliwanag niya na batay sa patakaran, ang mga testigong hindi babanggitin sa pre-trial ay maaaring ipagbawal na sumalang sa mismong trial.
Gayunpaman, nilinaw nina Luistro at San Juan City Rep. Ysabel Maria Zamora na pinapayagan sa patakaran ng impeachment ang hindi muna pagpapangalan sa ilang testigo at dokumento para sa kanilang “seguridad at kaligtasan,” basta’t maibibigay ang sapat na deskripsyon ng kanilang katungkulan at ang layunin ng kanilang testimonya.
 
**
Umaabot sa 20 baril na nakarehistro kay Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa ang boluntaryong isinuko sa Philippine National Police (PNP) sa Davao City matapos bawiin ang kanyang lisensya at rehistro ng baril.
Ang mga baril ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Regional Civil Security Unit 11 para sa safekeeping.
Ayon sa PNP, ang pagbawi ng lisensya ay alinsunod sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, na nagbabawal sa sinumang may kasong kriminal na may parusang higit sa dalawang taon na magmay-ari ng baril.
Batay sa tala ng PNP-Firearms and Explosives Office (FEO), si Dela Rosa ay may hawak na Type 5 License to Own and Possess Firearms (LTOPF) na nagbibigay-daan sa pagmamay-ari ng higit sa 15 baril.
Sa kabuuan, 117 baril ang nakarehistro sa kanyang pangalan at lahat ng ito ay ipinag-utos na isuko.
 
**
Inilunsad ng University of the Philippines Marine Science Institute (UP MSI) ang isang online platform na nagtatampok sa mga siyentipikong pag-aaral at mayamang biodiversity ng Pag-asa Island sa Kalayaan, Palawan sa West Philippine Sea.
Pinamagatan itong “Pag-asa Island: A Hidden Pearl of Biodiversity,” kung saan tampok sa website ang mga resulta ng pananaliksik, mga larawan, at karanasan ng mga marine biologist mula sa kanilang mga ekspedisyon sa isla.
Layunin nitong gawing mas madaling maunawaan ng publiko ang kahalagahan ng Pag-asa Island at ng mga karagatang nakapaligid dito. Makikita rin dito ang mga pag-aaral tungkol sa mga corals, seabirds, iba’t ibang uri ng isda, at iba pang marine species.
Suportado ang proyekto ng Canada Fund for Local Initiatives sa pamamagitan ng Embahada ng Canada.