Maaaring gamitin ang kabuuang P180.482 bilyon mula sa 2026 national budget para sa agarang pagtugon at rehabilitasyon sa Mindanao matapos ang malakas na lindol na ikinasawi ng marami at nagdulot ng malawakang pinsala sa mga imprastraktura, ayon kay acting Senate President Sherwin Gatchalian.
“Ang importante magamit natin agad ang mga pondo na ito dahil marami tayong kababayan na apektado at nangangailangan ng agarang tulong mula sa gobyerno,” sabi ni Gatchalian.
Sa P180 bilyon, P17.898 bilyon dito ang magmumula sa National Disaster Risk Reduction and Management Fund (NDRRMF), na pangunahing pinagkukunan ng pondo ng pamahalaan para sa disaster response, relief, rehabilitasyon, rekonstruksyon, at recovery efforts.
Kabilang din sa mga pondong maaaring gamitin para sa pagtugon sa kalamidad ang P32.307 bilyon sa ilalim ng Local Government Support Fund (LGSF)–Financial Assistance to Local Government Units, P15.897 bilyon mula sa Contingent Fund, at P8.163 bilyon mula sa Quick Response Fund ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Ayon pa kay Gatchalian, mayroon ding P46.778 bilyon ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ilalim ng programang Protective Services for Individuals and Families in Difficult Circumstances. (Dindo Matining)
----
Nagsampa ang Bureau of Internal Revenue ng kasong kriminal sa Department of Justice (DOJ) laban sa sinibak na Bamban, Tarlac Mayor na si Alice Leal Guo na hinihabol nito para sa P1 bilyong tax deficiency dahil sa diumanong tax evasion at hindi paghahain ng income tax returns.
Iniuugnay si Guo sa Philippine Offshore Gamin¬g Operator (POGO) hub sa Bamban at sinibak siya matapos lumabas ang mga katanungan tungkol sa kanyang citizenship matapos siyang kilalanin ng awtoridad bilang isang Chinese national na nag¬ngangalang Guo Hua Ping.
Sa ilalim ng batas ng Pilipinas, bawal sa mga dayuhan ang magmay-ari ng lupa sa bansa.
Ayon sa BIR, hindi naghain si Guo ng annual income tax returns mula 2019 hanggang 2023 sa kabila ng malalaking ari-arian at transaksyong pinansyal na na-trace sa kanya.
Nag-ugat ang kaso sa testimonya ni Guo sa Se¬nate hearing noong Mayo 22, 2024 kaugnay ng raid sa POGO compound sa Bamban, Tarlac. Sa naturang pagdinig, inamin ni Guo na mayroon siyang mga real property, sasakyan at interes sa ilang korporasyon.
Sinabi ng BIR na natukoy sa imbestigasyon nito ang mga real property, sasakyan, helicopter, bank transaction, shares of stock at iba pang acquisition na konektado kay Guo. (Eileen Mencias)