Skip to content

June 11 - 8 am NEWS

June 11 - 8 am NEWS
CHESTER PANGAN
Jun 11, 2026 | 9:39 AM

Kinumpirmang nasawi ang tatlong seaman na Indian, na una nang iniulat na nawawala, matapos maglunsad ng airstrike ang militar ng Estados Unidos sa Gulf of Oman.

Tinarget sa naturang pag-atake nitong Miyerkules ang oil tanker na MT Settebello na may watawat ng Palau.

Ayon sa US military, inatake ang barko dahil sa kabiguan nitong sumunod sa mga direktiba ng American forces, bunsod na rin ng hinalang nagdadala ito ng langis mula sa Iran.

May kabuuang 24 na tripulanteng Indian ang sakay ng oil tanker nang maganap ang insidente, kung saan ligtas namang nasagip ang 21 sa kanila.

Tinagurian naman ni Indian Shipping Minister Sarbananda Sonowal ang trahedya bilang “deeply unfortunate.” Tiniyak din niya na kasalukuyan nang inaayos ang repatriation o pagpapauwi sa mga labi ng tatlong nasawing Indian nationals.

Dahil sa insidente, opisyal nang ipinatawag ng gobyerno ng India ang deputy head ng US mission sa Delhi upang maghain ng protesta. Ito na ang ikalawang barkong may mga tripulanteng Indian na inatake ng puwersa ng US sa loob lamang ng linggong ito.

---

Naglunsad ng malawakang manhunt ang mga kapulisan ng Johannesburg sa South Africa laban sa mga suspek sa pamamaril na ikinasawi ng 12 katao.

Hindi bababa sa 10 armadong suspek ang sangkot sa insidente na pumasok sa Jumpers Informal Settlements at bigla na lamang sila namaril.

Tinawag ng mga kapulisan ang insidente bilang barbaric at walang pusong krimen.

Inaalam din ng mga otoridad ang naging motibo ng mga suspek sa nasabing insidente.

Naniniwala naman ang ilang miyembro ng Jumpers community na maaring may kinalaman ang insidente sa alitan nila sa ibang grupo dahil sa pagmimina.

Nagiging talamak na ang iligal na pagminina sa nasabing lugar.