Skip to content

June 10 - 7 am NEWS

June 10 - 7 am NEWS
CHESTER PANGAN
Jun 10, 2026 | 8:37 AM

Binabantayan ngayon ng Office of the Civil Defense ang nasa sampung aktibong fault lines sa Negros Island Region.

Ito ay matapos tumama ang mapaminsalang magnitude 7.8 na lindol sa Sarangani noong Lunes, Hunyo 8.

Kabilang sa mga binabantayan na aktibong fault lines ay ang Southern Negros Fault; Manjuyod-Pamplona Fault (East Negros Fault System); Bindoy-Guihulngan Fault (East Negros Fault System); Pinocawan River Fault (East Negros Fault System); San Carlos Fault (East Negros Fault System); Calatrava-Toboso Fault (East Negros Fault System); Sibulan Fault; Central Negros Fault; Candoni Fault; at West Negros Fault.

Ang naturang faults ay kayang mag-generate ng magnitude na aabot sa 6.9.

Kabilang din sa binabanatayan ang posibleng paggalaw ng Negros Trench.

Bilang paghahanda, nagbigay na ang Provincial disaster risk reduction and management office ng simulations sa mga paaralan at sa mga komunidad.

Nauna nang kinumpirma nang PHIVOLCS na ang lindol na tumama sa Sarangani ay dulot ng paggalaw ng Cotabato Trench. Paliwanag ng ahensiya, ang lokasyon ng lindol, ang “focal mechanism” nito, at ang pattern ng mga aftershock ay nagpapakita na ito ay dahil sa subduction o ang pag-usad ng isang tectonic plate sa ilalim ng isa pa sa kahabaan ng Cotabato Trench. Ito ay isang pangunahing istruktura sa karagatan malapit sa Mindanao

---

Narating na ng mga responder ng pamahalaan ang mga lugar na unang na-isolate matapos tumama ang magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao noong Hunyo 8, ayon sa Office of Civil Defense (OCD).

Sinabi ni OCD spokesperson Junie Castillo na bagama’t may mga lugar nang naaabot, nananatiling hamon ang pagpasok sa ilang bahagi ng Soccsksargen dahil sa mga nasirang kalsada at tulay.

Dahil dito, gumagamit ang mga awtoridad ng mga sasakyang pandagat at alternatibong ruta upang maihatid ang relief goods.

Patuloy ang pamamahagi ng pagkain, mga tent, gasolina at iba pang pangunahing pangangailangan, habang tiniyak naman ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na sapat ang suplay ng pagkain para sa mga apektadong residente.

Samantala, umakyat na sa 45 ang bilang ng mga nasawi ayon sa OCD, habang umabot sa walo ang mga nawawala sa Soccsksargen.

Nasa 18 tulay at 41 kalsada ang naitalang nasira, habang may anim na naitalang landslide, habang mahigit 130,000 konsyumer ang wala pa ring kuryente at 47 gasolinahan ang hindi pa rin operational.

Patuloy rin ang pagsusuri sa mga gusali habang libu-libong residente ang nananatili sa evacuation centers at mga pansamantalang tent sa gitna ng patuloy na mga aftershock.