Skip to content

June 1 - 8 am NEWS

June 1 - 8 am NEWS
CHESTER PANGAN
Jun 01, 2026 | 10:13 AM

Hindi bababa sa dose-dosena katao ang nasawi matapos maganap ang isang pagsabog sa northern Myanmar nitong Linggo.

Naganap ang insidente bandang 12:00 ng tanghali kahapon sa Namhkam township.

Ayon sa isang first responder sa Namhkan district sa Shan state, umabot sa 46 ang nasawi, kabilang ang mga bata, habang mahigit 70 naman ang nasugatan. Isa pang rescuer ang nagsabing 59 katao ang kabuuang bilang ng mga sumakabilng buhay.

Sinabi naman ng National Liberation Army (TNLA), isang kilalang ethnic armed groups sa bansa na ang pagsabog ay dulot ng “accident detonation” ng mga nakaimbak na pampasabog na ginagamit sa pagmimina at quarrying.

Wala pang tiyak na bilang ng mga biktima ang inilalabas ng grupo habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa eksaktong sanhi ng insidente.

Sinabi rin ng TNLA na ang mga pampasabog ay pag-aari ng kanilang economic department, at patuloy nilang inaalam kung ano kung bakit ito sumabog.

Maaaalalang ang Myanmar ay nananatiling nasa gitna ng civil war mula nang agawin ng militar ang kapangyarihan noong 2021, na nagdulot ng tuloy-tuloy na labanan sa pagitan ng junta forces at iba’t ibang pro-democracy at ethnic armed groups.

----

Binabantayan ng mga health authorities sa Brazil ang dalawang pasyente na posibleng may Ebola infection sa mga lungsod ng Sao Paulo at Rio de Janeiro, kasabay ng pangamba sa posibleng pagkalat ng virus mula sa Central Africa patungong ibang bansa.

Nabatid na isang 37-anyos na lalaki mula sa Democratic Republic of the Congo (DRC) ang nakitaan ng lagnat at isinailalim sa isolation bilang suspected case ng Ebola. Gayunpaman, sa unang pagsusuri ay negatibo ito sa Ebola virus, ngunit patuloy pa rin siyang mino-monitor sa isang specialized infectious disease facility bilang pag-iingat.

Samantala, sa Rio de Janeiro, isang lalaki mula Uganda ang isinailalim din sa mga safety protocol matapos makaranas ng mga sintomas tulad ng ubo, panginginig, at pagtatae.

Ayon sa mga opisyal, nagpositibo ito sa malaria, ngunit nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon upang tuluyang maalis ang posibilidad ng Ebola virus sa mga naturang lungsod.

Ang mga hakbang ay kaugnay parin sa patuloy na Ebola outbreak sa Democratic Republic of the Congo, kung saan mahigit 1,000 suspected cases at halos 250 na ang naitalang mga nasawi mula nang ideklara ang outbreak noong Mayo 15, ayon sa Africa Centres for Disease Control and Prevention.