Nilinaw ng Department of Transportation (DOTr) nitong Linggo na mag-o-operate ang MRT-7 na may kabuuang 14 na istasyon, taliwas sa kumakalat na balita na 13 na lamang ang itutuloy.
Sa isang pahayag, iginiit ng DOTr na nananatiling bahagi ng proyekto ang San Jose del Monte (SJDM) Station at hindi ito tinanggal sa aprubadong alignment.
“The DOTr remains on track to commence operations of the initial 12 stations (Sacred Heart to North Avenue) of MRT-7 by the second quarter of 2027, following President Ferdinand Marcos Jr.’s directive to fast track all infrastructure projects for the commuters,” pahayag ng ahensiya.
Samantala, inaasahan namang makukumpleto at mabubuksan sa publiko ang Tala at SJDM Stations sa 2028. (Angelika Cabral)
----
Nangunguna pa rin si Vice President Sara Duterte sa mga kandidato pagka-pangulo sa 2028, ngunit mabilis na humahabol si dating Vice President at ngayon ay Naga City Mayor Leni Robredo, batay sa unang presidential preference survey na ipinagawa ng Stratbase Group.
Sa nationwide survey ng Pulse Asia na isinagawa noong Mayo 3 hanggang 7, 2026 sa 1,500 respondents, nakakuha si Duterte ng 51% laban sa 41% ni Robredo sa isang hypothetical one-on-one presidential race. Walong porsiyento naman ang hindi pa makapagpasya.
Ipinakita rin ng survey ang mataas na interes ng publiko sa 2028 elections kahit halos dalawang taon pa ito bago ganapin. Umaabot sa 83% ng mga Pinoy ang nagsabing interesado sila sa halalan, habang 61% ang nagsabing “lubhang interesado” sila.
Ayon kay Stratbase Group founder Prof. Victor Andres “Dindo” Manhit, malaking bahagi ng lamang ni Duterte ay mula sa Mindanao kung saan nakakuha siya ng napakalaking 91% suporta kum¬para sa 7% ni Robredo. Gayunman, dikit ang laban sa Metro Manila. Nakakuha si Duterte ng 48% habang 46% naman si Robredo. Sa Balance Luzon, malaki ang bentahe ni Robredo, 55% laban sa 33% ni Duterte.