Inatake ng Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC) ng Iran ang mga base militar ng Estados Unidos sa Kuwait at Bahrain.
Tugon ito ng Iran sa mga panibagong serye ng pag-atake ng Amerika sa southern coastal provinces nito at sa dalawang tulay sa eastern Iran.
Kapwa kinumpirma ng Navy at Air Force ng Islamic Revolutionary Guard na naglunsad sila ng joint drone at missile attack sa mga imprastruktura at pasilidad ng US.
Kabilang dito ang Camp Arifjan and Ali Al Salem Air Base sa Kuwait at Shaikh Isa Air Base and Juffair sa Bahrain.
Ang Juffair ay tahanan para sa Naval Support Activity, ang pangunahing US Navy base sa Persian Gulf, na naghohost sa US Fifth Fleet.
Sa ngayon, wala pang detalye kung mayroong sugatan o nasawi sa naturang pag-atake sa mga base militar ng Amerika.
---
Kinumpirma ni US President Donald Trump na nakipag-ugnayan na ang Iran sa kanya matapos ang serye ng mas mabibigat na airstrikes na inilunsad ng Estados Unidos laban sa mga target sa timog baybayin ng Iran at mga isla sa Gulf.
Ayon sa US Central Command (Centcom), ang mga pag-atake ay tugon sa umano’y “hindi makatarungang agresyon laban sa mga komersyal na barko at sibilyang tripulante” sa Strait of Hormuz.
Ang hakbang na ito ay kasunod ng naunang pag-atake ng US noong Martes, na sinundan naman ng retaliatory strikes ng Iran sa mga pasilidad militar ng Amerika sa Bahrain at Kuwait.
Sa kanyang pahayag, binigyang-diin ni Trump na tapos na ang ceasefire agreement na nilagdaan noong nakaraang buwan, at tinawag ang mga lider ng Iran na “scum” at “sick people.”
Nagbabala rin siya ng posibleng mas matitinding hakbang, kabilang ang muling pagpapatupad ng naval blockade at pagkuha ng kontrol sa Kharg Island, na kilalang mahalagang pasilidad para sa oil exports ng Iran.
Samantala, nanindigan ang Iran na hindi nito isusuko ang kontrol sa Strait of Hormuz, na daanan ng halos 20% ng pandaigdigang kalakalan ng langis.
Ang patuloy na palitan ng pag-atake at matitinding pahayag mula sa dalawang panig ay nagdudulot ng pangamba sa mas malawak na tensyon sa Gulf region, na maaaring makaapekto sa pandaigdigang suplay ng langis at seguridad sa rehiyon.