Skip to content

July 9 - 7 am NEWS

July 9 - 7 am NEWS
CHESTER PANGAN
Jul 09, 2026 | 9:00 AM

Muling pumutok ang Bulkang Kanlaon sa Negros Island kahapon ng umaga dahilan para mabalot sa takot ang mga residente sa posibleng trahedya sa kanilang lugar.

Aayon sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), nangyari ang “moderately explosive eruption” bandang alas-7:33 ng umaga. Nagbuga ang bulkan ng makapal at madilim na usok na umabot sa halos tatlong kilometro ang taas.

Ayon sa ilang residente ng Canlaon City sa Negros Oriental, nakarinig sila ng malakas na pagsabog ngunit hindi nila nakita ang bulkan dahil natatakpan ito ng makapal na ulap.

Nanatili sa Alert Level 2 ang Bulkang Kanlaon kaya mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng apat na kilometrong permanent danger zone dahil sa banta ng biglaang pagsabog at iba pang panganib.

Dahil sa pagputok ng bulkan, nakaranas ng ashfall o pag-ulan ng abo ang ilang lugar sa timog-kanlurang bahagi ng Cebu.

Sa ulat ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, kabilang sa mga apektadong lugar ang Toledo City at mga bayan ng Pinamungajan at Aloguinsan.

Dahil dito, sinuspinde ng lokal na pamahalaan ng Toledo City ang klase sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan. Sinuspinde rin ang trabaho sa city hall, maliban sa mga tanggapan na nagbibigay ng mahahalagang serbisyo.

---

Iginiit ng ilang Chinese iskolar na bahagi ng China ang Batanes dahil karugtong umano ito ng Taiwan.

Ayon sa kanila, walang sapat na batayang historikal at legal ang pamamahala ng Pilipinas sa lalawigan.

Nagbabala naman ang SeaLight, isang maritime transparency initiative, na maaaring bahagi ito ng isang “lawfare” o paggamit ng mga legal at akademikong argumento upang palakasin ang pag-aangkin ng China sa ­teritoryo, kahit wala pang opisyal na pahayag ang pamahalaan ng Beijing.

Ayon sa SeaLight, nagtipon noong Hunyo 30 ang mga iskolar mula sa iba’t ibang unibersidad at research institution sa China sa isang symposium na idinaos ng Jinan University sa Guangzhou. Iginiit nila na karugtong ng Taiwan ang Batanes at ang soberanya rito ay pag-aari ng China.

Sa ngayon, wala pang pormal na pag-angkin ang China sa Batanes. Hindi pa rin naglalabas ng pahayag ang Department of Foreign Affairs (DFA) at ang Chinese Embassy sa Maynila sa usapin.

Samantala, tinawag ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na “walang batayan at katawa-tawa” ang mga pahayag na ang Batanes ay pag-aari ng China sa pamamagitan ng Taiwan.

Aniya, dapat agad itong pabulaanan ng mga akademiko sa buong mundo.

Ayon kay Teodoro, may panganib na maniwala ang mga mamamayan ng China sa ganitong mga pahayag.

“Sa kanilang saradong lipunan, naniniwala ang kanilang mga tao sa mga ganitong bagay. Na-brainwash ang kanilang mga mamamayan. Kaya ito ay isang nakababahalang usapin at dapat itong laba­nan,” ani kalihim.

“Hindi natin dapat hayaang lumipas ito nang walang tugon. Dapat nang pabulaanan ng mga akademiko sa buong mundo ang teoryang ito. Kalokohan na iyan,” dagdag niya.

Nangyari ito matapos lumabas ang mga ulat na ilang mananaliksik mula sa mga unibersidad at institusyon sa China ang nagsabing walang sapat na batayang pangkasaysayan at legal ang pamamahala ng Pilipinas sa Batanes.

Ayon kay Teodoro, ang naturang pag-aaral ay nagpapatibay sa kanyang hinala na may mas malawak na layunin ang China na kontrolin ang Pacific Ocean.

“Senyales ito ng isang dati nang intensyon. Hindi rin malayong bahagi ito ng kanilang plano.

Samantala, sinuporta­han naman ni Rear Admiral Jay Tarriela, tagapagsalita ng National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS), ang pahayag ni Teodoro.

“Kung hindi natin haharapin ang mga ganitong kasinungalingan, paulit-ulit lamang nila itong gagawin at muli nilang babaguhin ang kasaysayan,” sabi ni Tarriela.

Dagdag pa niya: “Baka hindi natin alam, pati Ilog Pasig ay angkinin na rin ng China.”