Pinagbigyan ng Impeachment Court ang kahilingan ng prosekusyon na paharapin sa trial sa susunod na linggo si Atty. Zuleika Lopez, ang Chief of Staff ng Office of the Vice President. Iniutos ni Impeachment Court Presiding Officer Francis Escudero na ilabas kahapon, Miyerkules ang Subpoena Ad testificandum laban kay Lopez.
Nauna rito, hiniling ng pangkat ng prosekusyon noong Martes na pilitin ang pagdalo ni Lopez sa paglilitis. Si Lopez ang dahilan ng pagbisita ni Vice Pres. Sara Duterte sa House of Representatives noong Nobyembre 23, 2024, kung saan nagsagawa siya ng virtual media conference at pinagbantaan ang buhay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Marcos, at dating House speaker Ferdinand Martin Romualdez.
Ikinulong noon sa Kamara si Lopez matapos ma-cite in contempt sa isang imbestigasyon hinggil sa umano’y maling paggamit ng pondo ni Duterte.
Samantala, ipinalabas kahapon ng depensa sa impeachment trial ang video clip ng emosyonal na si Lopez mula sa video noong Nobyembre 2024.
Ang mga bahagi ng video ay ipinakita sa cross-examination ng abogado ng depensa na si Carlo Joaquin Narvasa kay NBI senior agent John Mark Calilung na nagpatunay at nag-imbestiga sa video.
Sinabi ni Narvasa noong Martes na dapat makita ng impeachment court ang buong video upang magbigay ng konteksto para sa mga pahayag ni Duterte tungkol sa Pangulo, Unang Ginang, at Romualdez.
Inaasahan naman ng prosekusyon na tatalima si Lopez sa utos ng Impeachment Court at haharap ito sa pagpapatuloy ng pagdinig sa susunod na linggo.
---
Iginiit ng House prosecution panel nitong Miyerkules na ang mismong pahayag ni Vice Pres. Sara Duterte na umano’y nag-ayos siya ng isang “hitman” upang patayin si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sakaling siya mismo ay mapatay ay maituturing na pagtataksil sa tiwala ng publiko o betrayal of public trust na isa sa mga batayan ng impeachment sa ilalim ng Konstitusyon.
Ayon kay House trial spokesperson Zia Alonto Adiong ng Lanao del Sur, ang naturang pahayag ay nagbubukas ng seryosong usapin tungkol sa asal na inaasahan sa isang opisyal ng pamahalaan na nanumpang itaguyod at sundin ang batas.
“The mere fact that she had that idea and made an understanding, an agreement with a person whose livelihood is sourced out from killing people, is already a betrayal of public trust,” ayon kay Adiong.
Inaasahan aniya sa isang Bise Presidente na siyang magtataguyod ng batas at hindi dapat hinihikayat na ang sinuman ay kumuha ng hustisya para sa sarili niyang mga kamay. Dagdag pa ni Adiong na ang isang opisyal na humahawak sa ikalawang pinakamataas na posisyon sa bansa ay nararapat na nagsumbong sa mga awtoridad tungkol sa umano’y pagkakaroon ng isang bayarang mamamatay-tao, sa halip na makipag-ugnayan o makipagkasundo rito.
Ang nasabing usapin ay lumitaw habang ipinagpapatuloy ng mga prosecutor ang paghaharap ng kanilang ebidensya sa Senate Impeachment court kaugnay sa umano’y pagbabanta ni VP Duterte laban kay Pangulong Ferdinand Marcos, First Lady Liza Marcos, at dating House speaker Ferdinand Martin Romualdez.
Bilang suporta sa paratang, iniharap ng prosekusyon si NBI Senior Agent John Mark Calilung, na nagpatunay sa pagiging tunay ng online media briefing ni Duterte noong Nobyembre 23, 2024, kung saan umano’y ginawa ang mga naturang pagbabanta.
Ayon kay Alonto Adiong, layunin ng mga ebidensyang iniharap ng prosekusyon hindi lamang na patunayan ang pagiging tunay ng mga video clip, kundi ipakita rin kung bakit itinuring ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na isang usaping may malaking epekto sa pambansang seguridad ang mga pahayag ni Duterte.
Sinabi rin niya na wala umanong ibang magagawa ang mga imbestigador kundi magsagawa ng masusing pagsisiyasat dahil ang umano’y pagbabanta ay nakatuon mismo sa Pangulo ng bansa.