Naglunsad muli ang Estados Unidos ng serye ng malalakas na airstrikes laban sa Iran bilang tugon sa pag-atake sa tatlong commercial vessels sa Strait of Hormuz.
Ayon sa US Central Command, layunin ng operasyon na magpataw ng mabigat na kaparusahan sa Iran dahil sa pagtutok at pag-atake sa mga sibilyang tripulante sa pandaigdigang daanan ng tubig.
Nasira ang mga tanker sa loob ng 24 oras mula Lunes hanggang Martes, ngunit walang naiulat na nasawi.
Hindi pa inaako ng Iran ang responsibilidad sa mga pag-atake, habang nanindigan ang US na ito ay “lubos na hindi katanggap-tanggap.”
Samantala, binawi rin ng US Treasury ang pansamantalang waiver sa oil sanctions laban sa Iran, na nagdagdag pa sa tensyon.
Mariin ding kinondena ng Qatar at Saudi Arabia ang insidente matapos tamaan ang kani-kanilang mga tanker sa naturang rehiyon.
---
Nararanasan ngayon ng Cuba ang malawakang power outage matapos bumagsak ang national electric grid nito noong Lunes ng tanghali (oras sa Cuba).
Ayon sa grid operator ng Cuba na UNE, biglang nag-collapse ang buong electrical system ng bansa, dahilan para mawalan ng kuryente ang tinatayang 10 milyong tao.
Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang sanhi ng total blackout, ngunit matagal nang problema sa bansa ang paulit-ulit na power outages.
Sa mga nakalipas na buwan, nakararanas na ang Cuba ng ilang oras hanggang ilang araw na brownout dahil sa lumang power infrastructure at kakulangan sa gasolina para sa mga planta ng kuryente.
Mas pinalala pa ito ng matinding krisis sa ekonomiya at limitadong suplay ng enerhiya.
Nabatid na bago pa man ang pag-collapse, halos 2/3 na ng bansa ang walang kuryente.
Maraming Cubano rin ang apektado dahil sa init ng panahon at hirap sa pang-araw-araw na gawain tulad ng pagta-trabaho at pag-aaral.