Skip to content

July 7 - 6 am NEWS

July 7 - 6 am NEWS
CHESTER PANGAN
Jul 07, 2026 | 7:58 AM

Umuugong sa Bicol Region ang posibleng pagtakbo ni dating Vice President at ngayon ay Naga City Mayor Leni Robredo sa 2028 presidential elections.

Ayon sa source ng Abante, dalawang alkalde na sa Sorsogon ang nagkumpirma hinggil sa plano ni Robredo na tumakbo sa susunod na pampanguluhang halalan.

Gayunman, hindi binanggit ng source ang pangalan ng dalawang alkalde at kung paano nila nakuha ang impormasyon sa plano ni Robredo.

Binanggit din ng impormante na naghahanda rin ang Naga City LGU sa susunod na magi¬ging alkalde ng lungsod kapag nagdesisyon si Robredo na muling sumabak sa presidential elections.

Nauna nang sinabi ni Robredo na hindi siya tatakbo sa national elections kundi sa local elections lamang, ibig sabihin ay reeleksiyon bilang alkalde ng Naga City.

Natalo si Robredo kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong 2022 presidential elections.

----

Hindi pa rin nakatakas sa kahirapan ang marami sa mga Pilipino kahit naitaas na sa upper-middle income status ang Pilipinas kaya magtutuloy-tuloy ang pag-alalay at paghahatid ng serbisyo sa mga mahihinang sektor.

Ito ang tugon ng Malacañang sa puna ng mga kritiko na marami pa rin ang mahihirap na Pilipino sa kabila ng nakamit na bagong status ng bansa.

Sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro na bagama’t uma¬ngat na ang antas ng kalagayan ng bansa, hindi ibig sabihin na bawat Pilipino ay nasa kahalintulad na lebel na.

Magkakaroon pa rin aniya ng hamong pampi¬nansiyal at maraming mga Pilipino ang kinakailangang tulungan kaya nananatiling nakatutok ang gobyerno sa pagtugon sa kahirapan.

“Itong pagiging upper-middle income country hindi ito finish line. Hindi ito katapusan,” ani Castro. (Aileen Taliping)

----

Nababahala si Senadora Risa Hontiveros sa mga ulat na napipilitan ang mga HIV treatment hubs na pagkasyahin ang antiretroviral (ARV) drugs para sa kanilang mga pasyente dahil sa delayed at kulang ang supply ng gamot sa bansa.

“Kalusugan at buhay ang nakataya rito, kaya dapat kumikilos na ang gobyerno para agad na mapunan ang shortage ng ARVs at maiwasan na mahinto ang gamutan ng mga People Living with HIV (PLHIV),” pahayag ni Hontiveros sa isang statement.

“Hindi puwedeng paputol-putol at dapat araw-araw ang kanilang pag-inom ng ARV para manatili silang malusog,” dagdag pa niya,

Ang priority ngayon para mapawi ang pangam¬ba ng mga PLHIV, ayon kay Hontiveros, dapat siguraduhin ng DOH na tutuparin ng supplier ang pangako nitong ma-deliver ang ARV drugs at maipamigay ito sa mga treatment hubs sa lalong madaling panahon. (Dindo Matining)