Nagsagawa ang China ng isang missile test-fire mula sa kanilang nuclear-powered submarine patungo sa Karagatang Pasipiko ngayong Lunes, Hulyo 6.
Umani agad ang hakbang na ito ng matinding batikos at pangamba mula sa mga karatig-bansa tulad ng Japan, Australia, at New Zealand. Ikinaalarma ng mga ito ang patuloy na pagpapalawak ng militar ng China sa rehiyon.
Inilunsad ang missile dakong 12:01 ng hapon. Isinagawa ito ng People’s Liberation Army Navy (PLAN) gamit ang isang nuclear submarine.
Naglalaman ang missile ng isang dummy warhead. Bumagsak ang missile sa international waters sa Pasipiko na itinalaga bilang designated area. Bagamat, walang inilabas na detalye ang China ukol sa eksaktong lokasyon ng pinagbagsakan nito.
Base sa report, ang missile launch ng China ay isang routine arrangement lamang para sa kanilang taunang military training. Nilinaw din ng kanilang pamahalaan na ang pagsasanay ay hindi nakadirekta sa alinmang bansa o partikular na target.
Ginawa ang missile test ilang oras lamang matapos lumagda ang Australia at Fiji sa isang bagong defense alliance. Sa ilalim ng kasunduan, nangako ang dalawang bansa na magtutulungan at susuportahan ang isa’t isa sakaling magkaroon ng anumang banta o pag-atake.
---
Nagsagawa ng funeral prayer ang tatlong anak ng yumaong dating Iranian leader na si Ayatollah Ali Khamenei, habang libu-libong tao at matataas na opisyal ang dumalo sa funeral ceremony sa Tehran, Iran.
Nabatid na makikita sa pagtitipon sina Mostafa, Meysam, at Masoud Khamenei na nagdarasal sa harap ng kabaong ng kanilang ama sa malaking religious complex sa Tehran.
Kapansin-pansin din ang hindi pagdalo nang isa pang anak ni Ayatollah Ali na si Mojtaba Khamenei, na itinuturing na tagapagmana bilang susunod na Supreme Leader ng Iran.
Matatandaang napatay si Ayatollah Ali Khamenei kasama ang ilang miyembro ng kanyang pamilya matapos ang isinagawang pambobomba ng Estados Unidos at Israel noong Pebrero 28, na nag-pasimula ng ilang linggo giyera sa rehiyon bago nagkaroon ng pansamantalang tigil-putukan.
Sa naging seremonya, inilatag din ang mga kabaong ng iba pang nasawing kamag-anak ng dating Supreme Leader, kabilang ang kanyang anak na babae, manugang, at isang 14-buwang gulang na apo.
Present din sa funeral ceremony ang mga matataas na opisyal ng Iran, kabilang sina Iranian President Masoud Pezeshkian at Parliament Speaker Mohammad Baqer Qalibaf.
Bilang bahagi ng pagluluksa ng bansa, nagsagawa ang Iran ng isang linggong funeral procession para sa dating lider at kanyang pamilya, kabilang ang pagdadala ng kanyang labi sa ilang sagradong lugar ng mga Shi’ite sa Iraq.
Samantala, hanggang ngayon hindi pa nagpapakita sa publiko si Mojtaba Khamenei na umano’y nasugatan sa pag-atake ng U.S. at Israel ilang buwan na ang nakalilipas. May mga spekulasyon na malubha ang kanyang kondisyon, ngunit ‘wala pang opisyal na kumpirmasyon sa Iran.